Giannis at Mitchell, bida sa Bucks at Cavaliers
- BULGAR
- Dec 21, 2022
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | December 21, 2022

Namuno si Giannis Antetokounmpo sa numero unong Milwaukee Bucks kontra New Orleans Pelicans, 128-119, sa tampok na laro sa NBA kahapon mula sa Smoothie King Center. Bumida rin si Donovan Mitchell sa 122-99 panalo ng Cleveland Cavaliers laban sa dati niyang koponang Utah Jazz.
Walang nakapigil sa “Greek Freak” at itinulak niya ang Bucks sa 108-92 lamang na may 10 minuto sa orasan. Nagising ang Pelicans at lumapit, 114-117, subalit sinagot ito ng pitong sunod-sunod sa puntos nina Jrue Holiday at Brook Lopez at ibalik sa 10 lang lamang at 36 segundo ang nalalabi, 124-114.
Nagsumite si Giannis ng 42 puntos at 10 rebound habang 30 puntos si Lopez. Lumayo ng bahagya ang Bucks sa kartadang 22-8 sa humahabol na Boston Celtics na 22-9.
Nagpahinga na si Mitchell at hindi na bumalik na may 5:27 na nalalabi sa 3rd quarter at komportableng lamang ang Cavs, 78-59. Sapat na ang kanyang 23 puntos sa 23 minuto at sinundan nina Cedi Osman na may 20 ng kanyang 22 puntos sa 4th quarter at Jarrett Allen na may 20 puntos at 11 rebound.
Ito ang unang tapatan ni Mitchell sa naglaro ng 5 taon sa Jazz bago lumipat noong Setyembre kapalit nina Lauri Markkanen at Collin Sexton. Gumawa ng 24 puntos si Markkanen habang 23 puntos si kabayan Jordan Clarkson na minana ang papel bilang lider ng Jazz mula kay Mitchell.
Sa ibang mga laro, naka three-points si Tobias Harris papasok sa last two minutes ng overtime, 104-101, at wala nang pumuntos buhat doon upang maitakas ng Philadelphia 76ers ang tagumpay sa Toronto Raptors na kanilang ika-limang sunod.





Comments