Ghost, nagpakitang-husay sa 2-YO Race
- BULGAR
- Sep 25, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | September 25, 2023
Nakita ng mga karerista ang mahusay na pagtakbo ni Ghost matapos manalo sa 2023 PHILRACOM 2-Year-Old Maiden Race na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Sabado ng hapon.
Pati si class A rider John Alvin Guce ay hinangaan ng mga kareristang nakasaksi ng laban, maganda umano ang kanyang pagkakadala kay Ghost.
Humarurot sa arangkadahan sina Blame The Ghost at High Roller pero tinutukan agad sila ng liyamadong Ghost upang hindi makalayo ang mga nasa unahan.
Paparating pa lang sa far turn ay kinapitan na ni Ghost ang naglulutsahang sina High Roller at Blame The Ghost at maka-ilang hakbang ay kumuha na ng unahan ang winning horse.
Hindi na pinaporma ni Guce ang mga katunggali kaya pagsapit ng home turn ay inilayo pa nito ng todo si Ghost at umabot sa tatlong kabayo ang lamang sa mga humahabol.
Ganadong tumakbo, lalo pang umunat sa unahan si Ghost sa rektahan, nagwagi ito ng may walong kabayo ang lamang sa pumangalawang si High Roller, tersero si Malibu Princess habang pang-apat si Blame The Ghost.
Inilista ni Ghost ang impresibong tiyempong 1:12 minuto sa 1,200 meter race sapat upang hamigin ang P20,00 added prize sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.
Samantala, inihahanda na ng trainer ng Ghost ang susunod na sasalihan ng kanilang pambato, umaasa silang mas mag-uumento ang performance ng kabayo.
Walong karera ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) kaya medyo maraming karera ang natayaan ng mga karerista.





Comments