GF, kaya raw lalong minahal at never lolokohin… EDGAR ALLAN, IBINUKING NA VIRGIN PA SI SHAIRA
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | March 10, 2023

Isa ang aktor na si Edgar Allan Guzman sa mga napiling bagong brand ambassadors ng Beautederm na ipinakilala sa nakaraang mediacon kasabay nina Buboy Villar, Thia Thomalla, Ysabel Ortega at Patricia Tumulak na ginanap sa Luxent Hotel, Quezon City.
Ayon sa aktor, sobra siyang excited at nagpapasalamat sa pagkuha sa kanya ni Ms. Rei Anicoche Tan, CEO at founder ng nasabing beauty products.
Aniya, “As a new Beautederm baby, pinakagusto ko, tulad ng lahat, 'yung Blanc set at may ka-tandem ito (Back to Bare), pambura ko ng make-up. After that, ‘yung pang-scrub na may foam na (minuwestra) 'pag ginamit (ko ito), ang sarap, feeling fresh ng mukha ko. Then gagamitin ko ‘yung Blanc set and after ko maligo, nagba-body lotion ako. Kasi gusto ko lagi akong mabango at malinis.
"Maarte ako sa katawan, lagi akong naglo-lotion at itong sanitary spray, para malinis ang kamay ko lalo na 'pag nagbabayad sa toll gate.”
Mukhang maarte nga talaga si EA dahil naamoy namin siyang mabango during the presscon na inabot nang halos limang oras.
Bago nagsimula ang mediacon ay bumulong na kami ng tanong kay EA at tinanong namin kung kailan ito lalagay sa tahimik dahil sa huling pag-uusap namin, edad 33-35 daw ay magpapakasal na siya sa kanyang long-time girlfriend na si Shaira Diaz.
Kaya tinutukso namin siya na 40 na siya, pero mabilis niyang sagot, “33 pa lang po, may ilang taon pa. Sasabihan kita 'pag ready na.”
Pinag-uusapan na raw nila ang lahat pero not in the near future dahil sa kasalukuyan ay focused muna sila sa trabaho lalo na’t maraming dumarating na blessings.
Paano kung baby ang mauna kaysa sa kasal?
Agad itong tinanggihan ni EA dahil, “Ayoko talaga ng ganu’n. At saka, malalaman n’yo po kung bakit ayoko talaga. Basta, si Shaira po, hanga talaga ako sa kanya. Isa ito sa kinahahangaan ko sa kanya.
"Sige, sasabihin ko na po. Hindi naman namin ito inilalabas, pero si Shaira po ay still alam n’yo na (virgin).
“Kaya ko siya lalong minamahal. Wala na akong mahahanap na ganu’n. Ang lagi kong naririnig sa kanya ay gusto niyang i-save (ang virginity), kaya after marriage. So, para sa akin, wow!
“Totoo po ‘yun, hindi ako nagsisinungaling. Kahit itanong n'yo sa kanya. Kaya humanga ako lalo sa kanya. Kaya para sa akin, marriage muna, kasi 'yun din ang gusto ni Shaira.
Inirerespeto ko ang desisyon niyang 'yun.
“Para sa akin, pareho naman kaming magbe-benefit doon. Napakaganda naman. Kumbaga, para sa akin, very sacred si Shaira!” paliwanag ni EA.
Dagdag pa, “Nililigawan ko pa lang siya, sinabi na agad niya sa akin ‘yun. Kaya para sa akin, kung tatanungin ako kung siya na ba, oo naman, minahal ko talaga siya lalo. Minahal ko siya hindi lang dahil merong mangyayari sa amin, minahal ko siya dahil sa pagkatao niya.
“Mahirap talaga, alam naman ng mga kalalakihan 'yan, pero inirerespeto ko siya. Nananaig talaga ang pagmamahal ko sa kanya. Nangako ako sa kanya na hindi ako magloloko, na hindi ako mate-tempt tumikim ng ibang babae. Palagi ko kasing naiisip na si Shaira, si Shaira!”
Anyway, kabilang din sina Ruru Madrid, Ysabel Ortega, Cassy Legaspi, Sanya Lopez and Rayver Cruz sa mga dumalo sa mediacon para mag-renew ng kanilang kontrata sa Beautederm.





Comments