George, Lavine, Gordon at Tatum, lumagare
ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 6, 2021

Hawak pa rin sa leeg ng Los Angeles Clippers ang defending champion Los Angeles Lakers matapos talunin ang kapitbahay sa pangalawang pagkakataon, 104-86, kahapon sa Staples Center. Pinatunayan ng Clippers na hindi tsamba ang 116-109 tagumpay sa Lakers sa pagbukas ng torneo noong Disyembre 22.
Lamang ng buong laban ang Clippers at umabot ng 24 ang kanilang agwat sa third quarter, 65-41, matapos ang tres ni Paul George. Kumuha ng lakas ang Clippers kay Marcus Morris Sr. na may 22 puntos at Kawhi Leonard na double-double na 19 puntos.
Nanatiling tabla sa taas ng Eastern Conference ang Brooklyn Nets at Philadelphia 76ers matapos parehong nakatikim ng talo. Ginulat ng Chicago Bulls ang Nets, 115-107, at sinundan ito ng 116-100 tagumpay ng Memphis Grizzlies sa 76ers.
Mahusay ang ipinamalas ng All-Star ng Bulls na sina Zach LaVine na may 25 puntos at Nikola Vucevic na may 22 puntos at 13 rebound. Pinangunahan ng 17 puntos ni Dillon Brooks ang anim pang Grizzlies na may 10 o higit pang puntos.
Nagpasikat si Aaron Gordon para sa bagong koponang Denver Nuggets para magtagumpay sa dati niyang koponan Orlando Magic, 119-109. Nagtala ng 24 puntos si Gordon at sinundan ni Jamal Murray na may pito ng kanyang 22 puntos sa huling limang minuto upang makabawi ang Nuggets (31-18) at lampasan ang Lakers (31-19) para sa ika-apat na puwesto sa Western Conference.
Binuhay muli ng Boston Celtics ang kampanya sa mahalagang panalo sa bisitang Charlotte Hornets, 116-86. Nagtala ng 22 puntos si Jayson Tatum at tinulungan siya nina Jaylen Brown at Evan Fournier na parehong may 17 puntos.
Nagising ang Atlanta Hawks sa 4th quarter upang mabigo ang Golden State Warriors, 117-111. Nagsumite ng double-double sina Danilo Gallinari na 25 puntos at Clint Capela na 24 puntos.





Comments