George, arangkada sa Clippers, Bucks at Jazz, muling nambiktima
- BULGAR
- Nov 11, 2022
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 11, 2022

Ibinigay sa Los Angeles Clippers ang Round 2 ng “Battle of LA” at tinalo nila muli ang Los Angeles Lakers, 114-101, sa pagbabalik ng NBA kahapon sa Crypto.com Arena. Nanalo rin ang Clippers sa unang tapatan sa unang araw ng bagong torneo, 103-97, at may dalawa pa silang nakatakda sa mga susunod na buwan.
Dominado ng Clippers ang laban at kahit nakatabla ng Lakers sa 3rd quarter, 71-71, walang nakapigil sa arangkada ng Clippers sa 4th quarter. Namuno si Paul George na may 29 puntos at Norman Powell na may 18 puntos upang mabura ang 30 puntos ni LeBron James.
Matapos maputol sa siyam ang tagumpay upang simulan ang bagong NBA, panahon na para magsimula muli at tinalo ng Milwaukee Bucks ang Oklahoma City Thunder sa dalawang overtime, 136-132, kahit hindi naglaro sina Giannis Antetokounmpo at Jrue Holiday. Pinalitan ni Jevon Carter si Holiday bilang point guard.

Humabol ang Utah Jazz sa 4th quarter sa likod nina kabayan Jordan Clarkson, Malik Beasley at Lauri Markkanen upang mabigo ang Atlanta Hawks, 125-119, ang parehong koponan na nagbigay ng unang talo sa Bucks. Nagtapos na may 32 puntos mula sa anim na tres si Markkanen at 23 puntos si Clarkson at numero uno pa rin ang Jazz sa Western Conference sa 10-3.
Nagsumite ng triple double si Kevin Durant na 29 puntos, 12 rebound at 12 assist at tinambakan ng Brooklyn Nets ang kapitbahay na New York Knicks, 112-85. Wagi ang Toronto Raptors sa kulelat na Houston Rockets, 116-109, salamat sa 32 puntos ni All-Star Fred VanVleet. Hindi nakalapit ang Cleveland Cavaliers sa Bucks at pinalasap sa kanila ng Sacramento Kings ang pangalawang sunod na talo, 127-120.




Comments