top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Generals vs. PAOwer, simula na ang best-of-three finals

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 4, 2023
1 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | January 4, 2023



Hahanapin ng Taguig Generals ang kanilang pangalawang kampeonato sa pagbubukas ngayong Miyerkules ng seryeng best-of-three finals kontra bisitang La Union PAOwer para 2022 National Basketball League (NBL) Chairman’s Cup sa Hagonoy Sports Complex ng 6 p.m. Hindi magpapahuli ang PAOwer na nais mauwi ang unang kampeonato matapos mabigo ng dalawang beses.


Nanalo ang Taguig sa paghaharap nila noong elimination, 107-98, noong Nob. 11 sa Bulacan Capitol Gym. Asahan na hindi lilihis ang kuwento at bubuhos muli ang puntos.


Anim na General ang nagsumite ng 10 o higit na puntos na sina Dan Anthony Natividad, Edzel Galoy, Fidel Castro, Jonathan Lontoc, Noel Santos at Francisco Tancioco. Umaasa si Coach Bing Victoria na uulitin nila ang kanilang mahusay na ipinakita.


Para kay Coach Louie Aquino at PAOwer, kailangan nila humugot ng magandang numero mula kay Jap Pambid, Erven Silverie at Billy Ray Boado. Nandiyan din sina Noriel Guerrero, Patrick Pascua, King Gurtiza, John Lawrence Uduba at Ian Rhalf Llona na bumida ng ilang beses sa elimination round.


Habang nagdiwang ang karamihan ng Pasko at Bagong Taon, parehong naghanda para sa serye ang dalawang koponan, isang kailangang sakripisyo upang makamit ang inaasam na tropeo. Sabay natapos ang hiwalay na semifinals noong Dis. 18 kung saan winalis ng Taguig ang DF Bulacan Republicans at nanaig ang La Union sa defending champion Pampanga Delta.


Ang Game Two ng serye ay nakatakda agad sa Sabado (Enero 7) sa San Juan, La Union.


Kung kailangan, ang Game 3 ay gaganapin sa Enero 11 sa Hagonoy muli.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page