top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Generals, sokpa na sa titular showdown kontra PAOwer

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 20, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | December 20, 2022



Sinuklian ng Taguig Generals ang kanilang mga tagahanga ng isang 120-113 tagumpay kontra sa bisitang DF Bulacan Republicans at makapasok sa championship ng 2022 National Basketball League (NBL) Chairman’s Cup Linggo ng gabi sa siksikang at maingay na Hagonoy Sports Complex. Naghihintay sa Generals ang naunang nakapasok na La Union PAOwer sa seryeng best-of-three na magsisimula sa Enero 4 sa Taguig muli.


Dikdikan ang palitan ng koponan hanggang pumutok para sa sunod-sunod na three-points si Fidel Castro sa third quarter at lumayo ng husto ang Generals, 83-62. Hindi basta sumuko ang Republicans at nagawang lumapit, 109-112, sa shoot ni Gabe Capacio na may 1:35 sa orasan subalit nakatadhana na ang Taguig.


Nakahinga ang Generals sa buslo ni Dan Anthony Natividad, 114-109. Biglang naubusan ng lakas ang Bulacan at ito ang nagbigay daan para sa mahahalagang puntos nina Jonathan Lontoc at Mike Jefferson Sampurna sa huling minuto upang maselyuhan ang resulta.


Triple double si Natividad na 24 puntos, 10 rebound at 12 assist subalit si Edzel Galoy ang napiling Best Player sa kanyang 23 puntos. Pumukol ng anim na tres si Castro para sa 20 puntos.


Maganda ang simula ng Bulacan at ipinasok nila ang unang 7 puntos ng laban at umabot pa sa 14-4 ang kanilang lamang sa first quarter. Nakuha ng Taguig sa Game One ng serye noong nakaraang Miyerkules, 88-79.


Naging madali ang pagpasok ng La Union sa finals matapos iwanan ng defending champion Pampanga Delta ang kanilang Game Two na may 12.5 segundo pa sa third quarter.


Binigyan ng 12 minutong palugid ang Pampanga subalit hindi na sila bumalik. Ginulat ng La Union ang Delta sa Game One, 104-95.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page