Generals, pakay ang semis kontra Delta sa NBL Cup
- BULGAR
- Dec 4, 2022
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 4, 2022

Hahanapin ng Taguig Generals ang huling upuan sa semifinals ng 2022 National Basketball League (NBL) Chairman’s Cup sa pagharap nila sa walang talong defending champion Pampanga ngayong Linggo sa Rodriguez Municipal Gym sa Rodriguez, Rizal simula 5:30 p.m.
Kagagaling ng Delta sa 95-94 pagtakas sa DF Bulacan Republicans noong Biyernes sa Bulacan Capitol Gym sa Malolos. Lamang ang Pampanga, 95-87, ngunit hindi na sila pumuntos sa nalalabing 1:37 pero nabitin ang huling hirit ng Republicans at hindi pumasok ang mga tira nina Gabe Capacio at RV Jumaquio sa huling mga segundo bago tumunog ang busina.
Hinirang na Best Player si CJ Gania na may 17 puntos at 14 rebound. Nanguna sa Delta si MJ Garcia na may 21 puntos habang tig-16 puntos sina Matt William de Leon at Archie Concepcion.
Kahit anong mangyari ay pasok na ang Pampanga sa semifinals at maghihintay na lang ng magwawagi sa quarterfinals. Kailangan manalo ng Taguig para makaiwas na lumikha ng tabla para sa pangalawa hanggang pang-apat na puwesto kasama ang Republicans at La Union PAOwer sa 6-2 panalo-talo at gagamitin ang quotient.
Pitong General ang gumagawa ng 10 o higit pang puntos bawat laro sa pangunguna ng mga guwardiyang sina Dan Anthony Natividad at Edzel Galoy. Matapos matalo sa Bulacan sa overtime sa unang araw ng torneo, 104-107, hindi na natalo ang Taguig sa sumunod na anim.
Samantala, kokoronahan din ngayong araw ang kampeon ng Under-19 Division ng 2022 NBL Youth Second Conference sa pagitan ng Montalban at bisitang Yengskivel RPBY sa 7:45 ng gabi. Gaganapin din ang semifinals ng Under-16 Division sa paghaharap ng Emeralds kontra TYJ Trading sa 1:00 ng hapon at susundan agad ng tapatan ng Epson-Escuela de Sophia at Sta. Rosa City sa 2:30 ng hapon.





Comments