top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Generals nakapasok sa semifinals ng NBL-Pilipinas

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 14, 2023
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 13, 2023



Naibulsa ng Taguig Generals ang upuan sa semifinals ng 2023 National Basketball League (NBL-Pilipinas) President’s Cup matapos ang 108-79 demolisyon sa bisitang Muntinlupa Biyernes ng gabi sa Jun Duenas Gym sa Signal Village. Sa unang laro, lumapit ng isang hakbang ang Tatak GEL Binan sa semis sa bisa ng 94-91 lusot sa palaban na KBA Luid Kapampangan.


Bumawi ang Generals sa 114-120 overtime pagkabigo nila sa Cam Sur Express noong nakaraang Linggo na pumutol sa kanilang anim na sunod na panalo. Ngayon, nanigurado ang Taguig sa likod ni Best Player Mike Jefferson Sampurna na nagtala ng 23 puntos at 13 rebound para sa kartadang 7-1 at tiyak na magtatapos na numero uno sa Grupo B.


Naging mas matatag ang Binan sa huli sa gitna ng paghabol ng mga Kapampangan. Ipinasok ni Vinny Begaso ang isang free throw na may 12 segundo sa orasan, 94-91 at isinalba ang Tatak GEL ng kanilang depensa at napigil ang huling three-points ni Marc Emmanuel Tungcul sabay tunog ng busina.


Bumanat ng 19 puntos si Best Player Alexander Villacorta at nakaganti ang Binan sa 98-100 talo nila sa parehong koponan sa parehong palaruan noong Hunyo 30. Dahil sa resulta, bumaba ang Kapampangan sa 4-3 at pangalawa sa Grupo A kasabay ng paglipat ng liderato sa nagpapahingang Cam Sur (5-3) na walang hirap na nakapasok sa semis salamat sa Tatak GEL.


Pumantay ang Tatak GEL sa 4-4 at sunod nilang haharapin ngayong Linggo ang Express sa unang laro sa Angelis Resort sa Muntinlupa City simula ng 5 p.m. Itataya ng host Muntinlupa (1-6) at bisitang DF Bulacan Stars (3-5) ang kanilang pag-asang pumasok sa semifinals sa tampok na laro sa 7 p.m.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page