top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Generals, itinumba ang Delta; solo lider sa President's Cup

Writer: BULGAR
BULGAR
May 3, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 3, 2022



Bukas ang pinto para sa lahat ng koponan na maging kampeon sa 2022 National Basketball League (NBL) President’s Cup handog ng Converge matapos patumbahin ng Taguig Generals ang defending champion Pampanga Delta, 79-75, sa Bren Z. Guiao Convention Center, Linggo nang gabi. Ito na ang ikalawang sunod na talo ng Delta at biglang naluklok sa solong liderato ang Generals papasok sa huling mga laro ng elimination round.


Mula sa tabla na 74-74, bumanat ng dalawang magkasunod na buslo si sentro Jonathan Lontoc upang itulak ang Taguig sa 78-74 lamang at 19 segundo sa orasan. Sinagot ito ng isang free throw ni Neil Tolentino ng Delta upang lumapit, 75-78 subalit sinigurado ni Dan Anthony Natividad ang panalo ng Generals sa isa pang free throw na nagpatahimik sa mga tagahanga ng Delta.


Umapoy si Fidel Castro para sa limang three-points patungo sa 17 puntos para sa Taguig. Sinundan siya nina Lontoc na may 14 at Natividad na may 13 puntos.


Sinayang ng DF Bulacan Republicans ang malaking lamang subalit nagtira ng sapat na lakas upang sugpuin ang palaban na Narvacan Panthers, 105-100. Lamang ang Bulacan, 100-86, na may 4:41 pa sa 4th quarter subalit nagbaon ng tres si Redel Fabro upang maging hudyat ng paghabol ng Narvacan.


Sinundan ng mga mahahalagang shoot nina Vincent Saldua, Jack Arquero at Christian Singson upang magbanta sa huling 30 segundo, 98-102. Sinalba ang Republicans ng dalawang free throw ni Christian Necio, 104-98, at kahit nabawi ito agad ng huling buslo ni Saldua ay sinigurado ni Marlon Monte ang tagumpay sa kanyang free throw bago tuluyang maubos ang oras.


Sa 2022 Women’s National Basketball League (WNBL), kinuha ng Go For Gold Navy ang pagkakataon na kulang ang Army at maukit ang 56-54 tagumpay. Bumida para sa Lady Sailors sina Karen Lomogda at Janelle Mendoza na parehong may 11 puntos at nahirapan ang Lady Battalion na takpan ang pagliban nina Janine Pontejos at Chak Cabinbin na parehong nag-eensayo sa Gilas Pilipinas para sa 31st Southeast Asian Games.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page