top of page
Search
  • BULGAR

Generals at PAOwer umalagwa sa NBL

ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 18, 2021






Kinailangan ng Taguig Generals ang overtime upang mabigo ang DF Bulacan Republicans, 97-90, sa Chooks To Go National Basketball League (NBL) Chairman’s Cup 2021 sa Bren Z. Guiao Convention Center ng San Fernando, Pampanga Sabado ng gabi. Hindi nagpahuli ang La Union PAOwer at ipinatibay ang solong liderato matapos takasan ang Quezon Barons, 88-87, para sa ika-apat na sunod na tagumpay.


Natapos ang unang 48 minuto na tabla sa 78-78 at sumandal ang Generals sa husay ni Dan Anthony Natividad na may 9 puntos sa OT kasama ang agaw at pangtuldok na 2 puntos na may 15 segundo sa orasan. Sinayang ng Taguig ang 48-32 na lamang sa second quarter at humabol ang La Union subalit naipasok ni Lerry John Mayo ang isang free throw na may 41 segundong nalalabi para sa OT play.


Nagpaulan ng limang tres ang isa pang bagong pirma ng Generals na si Fidel Castro na nagtapos na may 21 puntos at napiling Best Player. Sinundan ni Mayo na may 15 puntos at 14 rebound.


Nasayang ang 21 puntos ni Ryan Spencer Operio para sa Bulacan. Bumalik sa aksyon si Mitchelle Maynes matapos lumiban ng dalawang laro at siya ang naging susi ng panalo ng perpektong PAOwer sa bisa ng free throw na may 9 na segundo sa laro na winasak ang 87-87 tabla. Nagmintis ang tres ni Vince Rafael Plata ng Barons at sinungkit ni Maynes ang rebound sabay tunog ng huling busina.


Hawak ng Quezon ang buong laro at papunta na sa malaking panalo subalit sinimulan ni Maynes ang huling hirit sa 2 puntos na sinundan ng assist kay Kirk Andrew Agulan para sa tablang 3 points na may 36 segundo sa orasan, 87-87. Hindi maka-shoot ang Barons kaya napilitang bigyan si Maynes ng foul ni Arvine Calucin at nagmintas ang unang free throw bago naipasok ang pang-lamang na pangalawa.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page