Generals at PAOwer pakay ang NBL finals
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 18, 2022

Layunin ng Taguig Generals at La Union PAOwer na wakasan agad ang kanilang hiwalay na seryeng best-of-three sa pagpapatuloy ng semifinals ng 2022 National Basketball League (NBL) Chairman’s Cup sa Hagonoy Sports Gym ngayong Linggo. Ito na rin ang pagbabalik ng liga sa Taguig City buhat noong Enero, 2020 at tiyak na sabik ang Generals na magpasikat sa harap ng kanilang tagahanga.
Sisikapin ng Taguig na ulitin ang kanilang 88-79 panalo sa DF Bulacan Republicans sa Game One noong Miyerkules sa San Fernando, Pampanga. Umaasa ang Generals na patuloy ang mahusay na laro nina Dan Anthony Natividad, Edzel Galoy, Noel Santos, Jonathan Lontoc, Mike Jefferson Sampurna, Fidel Castro at Francisco Tancioco sa tampok na laro ng 6 pm.
Gagawin ng Republicans ang lahat na makuha ang Game 3 at pagkakataon na makapasok sa ikalawang sunod na championship. Kailangan umangat ang numero nina Gabe Capacio, RV Jumaquio, Julius Felix Lorenzo at Christian Necio.
Samantala, isang tagumpay na lang ang kailangan ng PAOwer para mapabilang sa kanilang ikatlong championship sa pagharap sa defending champion Pampanga Delta sa 4 p.m. Bumida sina King Gurtiza, Billy Ray Boado at Jap Pambid sa Game One, 104-95, at alam nila na delikadong kalaro ang Delta kapag umabot ng Game 3.
Kailangan humugot ng lakas ang Delta sa maaasahang tambalan nina Archie Concepcion at Michael Jeffrey Garcia katulong sina Clifton Gania at Matt William de Leon. Hindi pa handa na maputol ng Delta ang apat na sunod na paglaro sa championship at tatlong sunod na korona.
Huling naglaro ang NBL sa palaruan noong Enero 19, 2020 bilang bahagi ng 2019-2020 President’s Cup. Nagwagi ang Generals sa bisitang Quezon City Defenders, 83-60.





Comments