Gender bias sa halalan, hadlang sa pag-angat ng babaeng lider
- BULGAR

- 20 hours ago
- 3 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | February 20, 2026

Isang tiyak at panatag na deklarasyon ng kanyang pagtakbo sa pagka-Pangulo sa taong 2028 ang inihayag ni Vice President Sara Duterte habang sinusulat natin ang kolum na ito nitong Miyerkules. Kamakailan naman ay nabanggit sa isang panayam ni Sen. Risa Hontiveros na bukas siya sa pagtakbong Pangulo o Pangalawang Pangulo—kung o kapag siya ang mapipili ng nagkakaisang oposisyon sa bansa.
Sa kasaysayan ng Pilipinas ay dadalawa pa lamang sa 17 nitong naging mga Presidente ang babae: ang yumaong dating Pangulong Corazon Cojuangco Aquino at ang kasalukuyang mambabatas na si Rep. Gloria Macapagal-Arroyo. Bukod pa r’yan, ang sitwasyon sa kanilang pagkakahalal at pagkakaupo bilang Pangulo ay bunsod ng mga ekstraordinaryong mga pangyayari: People Power Revolution o Edsa I ang naging daan para kay Ginang Aquino, samantalang masalimuot ang uminog sa pagkakahalili ng noo'y Bise Presidente Macapagal-Arroyo kay dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada, kasunod ng Edsa II at impeachment trial, at naturingang "pagbibitiw" nito.
Sa madaling salita, ating mga mambabasa, ay nananatiling maliit na minorya sa Pilipinas ang mga nagiging babaeng Pangulo.
Atin ring balikan ang talaan ng mga tumakbo at hindi pinalad na mga kababaihan sa pagka-Pangulo, bagama't sila ay pawang mga kilala, may kartadang taglay, at may mga tagasunod na hindi matatawaran. Ang pinakahuli rito ay ang kasalukuyang Naga City Mayor na si dating Bise President Leni Robredo, na tinalo naman ng kasalukuyang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong 2022.
Hindi rin malilimutan ang mga alaala ni Miriam Defensor-Santiago, na tumakbo rin sa pampanguluhang halalan, hindi lamang isa o dalawang beses kundi tatlo pa—noong 1992, 1998 at 2016.
Samantala, sariwang-sariwa pa rin sa aking alaala ang pagtakbo ni dating Sen. Grace Poe, na aking inalalayan dalawang buwan matapos siyang maupo sa unang pagkakataon bilang senador noong 2013 hanggang sa aking paglipat sa Wyeth Philippines noong kalagitnaan ng 2015, hanggang sa ako'y kanyang personal na hiningang muli ng pag-alalay noong Enero 2016 sa kasagsagan ng kampanya, na nagtuluy-tuloy na hanggang sa kanyang ikalawang termino bilang senador simula 2016.
Matatandaang tumakbo rin sa pagka-Pangulo noong 1992 si dating First Lady Imelda Romualdez-Marcos, ngunit hindi rin nagtagumpay.
Bakit nga ba mailap sa mga babae ang maihalal na Pangulo ng Pilipinas?
Batay sa nagdaang World Values Survey, mayorya sa mga Pilipino ang naniniwalang mas maigi o angkop na politikal na lider ang mga kalalakihan—isang nakalulungkot na mindset sa panahong ito ng gender equality. Ang pagpapasakop sa lalaki, lalo na ng isang maybahay o asawang babae, na siya namang tagapag-aruga sa loob ng tahanan, ay tradisyong bulag nang nakasanayan, kahit sa pagiging moderno at patas na panawagan ng panahon, lalo pa't kung lalaki ang tanging naghahanapbuhay. Ang kaugaliang ito ay napapasalin maging sa larangan ng pulitika, na mas pinapaboran ang kalalakihang Pangulo kaysa kababaihan.
Matindi rin ang nararanasang paninira, panlilibak, panlalait, at pambu-bully, at pagiging tampulan ng kung anu-anong tawag o name-calling lalo na ng mga babaeng nasa pulitika, na ang sakit na dulot sa damdamin ay ramdam ng kanilang mga anak, kaya't ninanais na lamang nilang manahimik upang hindi na madamay ang pamilya.
Kung ang pagiging mailap para sa mga babae ng pagiging Pangulo ng Pilipinas ay lalamon kay o magagapi ni Bise Presidente Sara Duterte sa pampanguluhang halalang 2028 ay nananatiling isang palaisipan.
Magwagi nawa ang tunay na kalooban ng taumbayang sawang sawa na sa kahirapan, korupsiyon at mga pangakong napapako!
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.








Comments