top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Gawilan, 10th place sa 100m Backstroke, Bejino,14th

BULGAR
Aug 31, 2021
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | August 31, 2021



Lumangoy ng sabayan ngunit iba ang naging agos ng tubig para kay Ernie Gawilan at Gary Bejino ng Pilipinas sa pagpapatuloy ng Tokyo 2020 Paralympics Swimming kahapon sa Tokyo Aquatics Center. Parehong hindi pinalad na makapasok ang dalawang pambatong Pinoy sa finals ng kanilang mga karera subalit hindi pa tapos ang laban para sa mga magiting na pambansang atleta.

Nagtapos sa ika-anim at huling puwesto si Gawilan sa pangalawang qualifying heat ng 100M Backstroke S7 sa oras na 1:21.60. Matapos isama ang resulta ng unang heat, lumabas na panghuli si Gawilan sa 10 kalahok at ang unang walo lang ang kukunin para sa finals.

Nagtala ng bagong Paralympic Record si Pippo Carlomagno ng Argentina na 1:09.12 upang pangunahan ang lahat sa Heat 2. Pasok ang apat pa nilang mga nakalangoy na sina Andrii Trusov ng Ukraine (1:10.20), Federico Bicelli ng Italya (1:13.68) at dalawa pang taga-Argentina na sina Lucas Nicolas Poggi (1:14.53) at Inaki Basiloff (1:15.42) habang sina Andrei Gladkov ng Russian Paralympic Committee (1:10.84), Mark Malyar ng Israel (1:11.92) at Yehvenii Bodarenko ng Ukraine (1:13.79) at pasok galing unang heat.

Sumunod na sumabak si Bejino sa 50M Butterfly S6 at umoras siya ng 36.14 para sa ika-pitong puwesto sa walong kalahok sa Heat One. Isinama ang mga oras ng walong iba pa sa Heat Two at lumabas na pang-14 si Bejino sa 16 na lumangoy.

Wala nang nakatakdang karera si Gawilan at hihintayin na lang ang pormal na pagsara ng palaro sa Setyembre 5 kung saan siya ang inatasan na magdala ng watawat ng Pilipinas. May dalawa pang karera si Bejino sa 400M Freestyle S6 sa Setyembre 2 at 100M Backstroke S6 sa Setyembre 3.

Samantala, piniga ni Jerrold Pete Magliwan ang lahat ng kanyang lakas upang magtapos sa ika-anim na puwesto sa pitong kalahok sa 1,500M T52 Wheelchair Race Linggo ng gabi sa Olympic Stadium. Dala ng malakas na kompetisyon, umoras si Mangliwan ng 3:58.24 na siya ring kanyang pinakamabilis na oras sa nasabing karera.

Sinundan ni Tomoki Sato ng Japan ang kanyang ginto sa 400M T52 at nagtayo ng bagong Paralympic Record na 3:29.13. Ang defending champion at dating may-ari ng Paralympic Record na si Raymond Martin ng Estados Unidos ang kumuha ng pilak sa 3:29.72 habang isa pang Hapon na si Hirokazu Ueyonabaru ang tanso sa malayong 3:44.17.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page