Gawang Pinoy at maliliit na negosyo, suportahan!
- BULGAR
- Dec 6, 2020
- 1 min read
ni Ryan Sison - @Boses | December 06, 2020
Ngayong Kapaskuhan, marami tayong kababayang namimili. Kaliwa’t kanan ang Christmas shopping, at dahil ‘ika nga, paldo-paldo dahil nakatanggap ng 13th month pay at bonus, kadalasang branded ang pinamimili.
Madalas nang siksikan ang mga mall dahil sa iba’t ibang pakulo ng malalaking brand ngayong holiday season.
Ang nangyayari, malalaking negosyo o brand ang kumikita dahil mas tinatangkilik ito ng ilan nating kababayan kesa sa mga gawang lokal.
Dahil dito, nakikiusap ang maliliit na negosyante na tangkilin ngayong Kapaskuhan ang mga gawang Pinoy na kanilang ibinebenta. Ito ay bilang pagtulong umano sa kanilang bumangon mula sa pandemya.
Kamakailan, ginanap ang “Bagsakan” bazaar sa ilang mall sa Metro Manila sa pangunguna ng Department of Trade and Industry (DTI) kung saan maraming mga paninda ang maliliit na negosyo mula sa pagkain hanggang sabon, bag at iba pang mga panregalo.
Ayon sa mga negosyante, hinihikayat silang magbigay ng bagsak-presyo sa kanilang paninda habang tinitiyak ang magandang kalidad ng mga produkto.
Maganda ang layunin ng bazaar na ito, lalo pa’t maraming mga negosyante ang nagsisikap na makabangon sa kabila ng pagkalugi dahil sa pandemya.
Panawagan sa ating mga kababayan, kung kaya nating suportahan ang mga kilalang produkto na kadalasan ay sa ibang bansa pa galing, bakit hindi naman gawang Pinoy ang ating tangkilikin?
Malaking tulong ito, hindi lang sa mga negosyante kundi pati sa ating ekonomiya.
Sa panahon ngayon, piliin nating suportahan ang bawat isa, lalo na ‘yung mga kumkayod para muling makabangon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments