Gat Lillard sa Bonifacio Day; Ball at Embiid, mga bumida
- BULGAR
- Dec 1, 2021
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 01, 2021

Nakipagdiwang ang Portland Trail Blazers sa Pilipinas para 158 kaarawan ng Pambansang Bayani, founder ng Katipunan at "Ama ng Rebolusyon sa Pilipinas" na si Andres Bonifacio kahapon.
Sa kanilang social media accounts, nagpaskel ang Blazers ng edited photo ng kanilang franchise player na si Damian Lillard na nakasuot ng pulang panyo bilang trademark ni Bonifacio.
Nakasaad din sa FB account ng Blazers ang progreso ng kanilang laro laban sa Fil-Am guard ng Utah Jazz na si Jordan Clarkson kung saan tinambakan sila ng Jazz, 129-107.
Bumuhos ang 22 puntos ni Clarkson upang suportahan si Donovan Mitchell na may 30 puntos.
Samantala, sa mga laro kahapon, kinalimutan saglit na magkapatid sila at nagtagumpay sa huli si Lonzo Ball at ang Chicago Bulls kontra sa nakakabatang si LaMelo Ball ng Charlotte Hornets, 133-119 mula sa United Center. Mahalaga ang panalo sa Bulls upang makalayo sa Hornets habang hinahabol ang nagpapahingang Brooklyn Nets para sa liderato ng Eastern Conference.
Nag-ambag lang si Lonzo ng 16 puntos subalit malaking tulong ito sa kanyang mga kasama sa first five na sina Nikola Vucevic na may 30 puntos, DeMar DeRozan na may 28 puntos at Zach LaVine sa 25. Mas maganda ang numero ni LaMelo na 18 puntos subalit kinapos ang suporta kay Terry Rozier na may 31 puntos.
Umulit ang bisitang Denver Nuggets sa Miami Heat, 120-111, sa likod ng 24 puntos ni MVP Nikola Jokic. Matatandaan na wagi rin ang Nuggets, 113-96, sa una nilang pagkikita noong Nobyembre 8 kung saan ipinalabas si Jokic matapos makipag-away kay Markieff Morris ng Heat na hindi pa rin naglalaro buhat noon bunga ng masakit na leeg dulot ng nasabing away.
Naitala ng Philadelphia 756ers ang 101-96 panalo sa bisitang Orlando Magic, ang una buhat nang bumalik si Joel Embiid na nilabanan ang hirap sa paghinga at matinding sakit ng ulo sa nakalipas na tatlong linggo dahil sa COVID-19. Tinakasan ng Minnesota Timberwolves ang Indiana Pacers, 100-98.




Comments