top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Gasol, emosyonal sa parangal ng NBA; Lakers, tinalo ang Memphis

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 9, 2023
1 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | March 9, 2023




Pilit nilabanan ang daloy ng luha, nakamit ni alamat Pau Gasol ang ultimong karangalan at itinaas sa kisame ng Crypto.com Arena ang kanyang numero 16 ng Los Angeles Lakers sa NBA kahapon. Kinumpleto ng mga kasalukuyang Lakers ang selebrasyon at tinalo ang bisitang Memphis Grizzlies, 112-103, salamat sa halimaw na laro ni Anthony Davis.


Humataw ang Lakers sa huling 8 minuto at binaligtad ang 94-88 lamang ng Grizzlies.


Nagsumite ng siyam ng kanyang 30 puntos si Davis at humakot ng 22 rebound kahit may malaking kalmot at dumudugo ang ilong.


Naglaro sa Lakers si Gasol mula 2008 hanggang 2014 kung saan naging bahagi siya sa nag-kampeon noong 2009 at 2010. Ang Memphis ang kanyang unang koponan mula 2001 hanggang 2008 at pagkatapos ng Lakers ay hinati ang panahon sa Chicago Bulls, San Antonio Spurs at Milwaukee Bucks hanggang 2019.


Makakasalamuha ng mga Pinoy si Gasol sa kanyang pagdalo sa opisyal na bunutan ng 2023 FIBA World Cup sa Abril 29 sa Araneta Coliseum. Isa siya sa mga itinalaga na Global Ambassador ng torneo kasama ang mga kapwa-alamat na sina Luis Scola at Carmelo Anthony.


Samantala, humabol ang Charlotte Hornets mula sa 50-66 sa simula ng 3rd quarter at pinutol sa siyam ang magkasunod na tagumpay ng New York Knicks, 112-105.


Nagtulungan sina Terry Rozier, Kelly Oubre at Gordon Hayward para sa 45 ng huling 62 puntos ng Hornets at panatilihing buhay ang kanilang pag-asang makapasok sa playoffs.


Kahit sabay lumiban sina Giannis Antetokounmpo at Jrue Holiday iniligpit ng numero unong Milwaukee Bucks ang Orlando Magic, 134-123.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page