Ganern, Vice at Ivana? ATTY TOPACIO: MATITINONG MOVIE ANG PANOORIN SA MMFF
ni Janiz Navida @Showbiz Special | October 27, 2022

Tuwing bumubuka ang bibig ng sikat na abogadong si Atty. Ferdinand Topacio — na ngayon ay isa na ring producer ng kanyang Borracho Film Productions na nag-produce ng MMFF entry na Mamasapano: Now It Can Be Told — asahan mo nang may kakambal itong kontrobersiya.
Palaisipan sa amin ang sinabi ni Atty. Ferdie sa first mediacon ng Mamasapano na ginanap sa Pandan Resto sa QC na napupulitika ang kanyang pelikula kaya muntik nang hindi makapasok sa 8 official entries ng Metro Manila Film Festival 2022.
Pero dahil sa 'pag-iingay' daw niya, mukhang nakatulong ito para makonsidera at makapasok ang movie sa mga mapapanood sa sinehan simula sa Dec. 25, 2022 to January 7, 2023.
Ang kuwento ng Mamasapano ay ibinase sa true-to-life na nangyari sa SAF 44 na napatay sa pakikipaglaban sa mga rebeldeng grupo sa Maguindanao.
Si Atty. Topacio ang nilapitan ng pamilya ng mga biktima ng mga napatay na sundalo kaya naman siya ang may hawak ng kasong isinampa laban sa namayapa nang si dating Pangulong Noynoy Aquino.
At para mabigyan ng linaw ang totoong nangyari sa SAF 44 kaya naisipan niyang gumawa ng pelikula tungkol dito.
Bukod diyan, inamin ni Atty. Topacio na gusto niyang baguhin ang ilang sistema at nakasanayan na sa ating movie industry, lalo na ang ruling sa MMFF, kaya ginusto niyang mapasama ang kanyang pelikula sa mga official entries.
Ang main goal kasi ni Atty. Topacio ay mabigyan daw ng pansin ang magagandang pelikulang gawa ng mga Pinoy at maitaas ang kalidad ng moviemaking kaya ipinaglalaban niyang ang mga ganitong klase ng pelikula tulad ng Mamasapano ang maipalabas tuwing taunang MMFF.
Nakapagbiro pa nga si Atty. Topacio na 'wag naman daw puro "Ivanang kulot" na lang ang panoorin sa coming festival.
Of course, alam na nating lahat na ang tinutukoy niya ay ang Partners in Crime entry na pinagbibidahan nina Vice Ganda at Ivana Alawi.
Pero bawi niya, idol naman din niya si Ivana. Ang gusto lang daw niya, sana ay panoorin at tangkilikin ng lahat ang mga pelikulang Pilipino lalo na ang matitinong pelikula at 'wag lang 'yung puro katatawanan ang gastusang panoorin.
Gusto rin niyang ipaglaban na 'wag namang gawin this year 'yung 'first day, last day' sa sinehan ng mga pelikulang mahina sa takilya. Bigyan daw ng chance ang lahat ng movies dahil baka sa mga susunod na araw ay may mga gusto pang manood, eh, paano kung na-pullout na sa mga sinehan?
Well, malalaman natin kung may nangyari nga sa ipinaglalaban ni Atty. Ferdie Topacio kapag nagpatawag na uli ng grand mediacon para sa kanyang Mamasapano na pinagbibidahan nina Edu Manzano, Aljur Abrenica, Gerald Santos at Paolo Gumabao.





Comments