top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Game 2: La Union, ginulat ang Pampanga sa Black Arrow President's Cup Finals

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 26, 2020
2 min read

ni Anthony Servinio - @Sports | October 26, 2020




Ginamit ng bisitang La Union PAOwer ang kanilang depensa sa huling minuto upang gulatin ang Pampanga Delta Converge, 84-80, sa Game Two ng 2019-2020 National Basketball League (NBL) Black Arrow Express President’s Cup sa Bren Z. Guiao Convention Center Sabado ng gabi. Tabla na ang seryeng best of five sa 1-1 at ang ikatlong laro ay nakatakda ngayong Lunes sa parehong lugar simula 6:00 ng gabi.


Binigay ni Dexter Maiquez ang 80-77 na lamang sa Pampanga papasok sa huling dalawang minuto subalit sinagot ito ng three-point play ni Erven Silverie para itabla ang laban at sinundan ito ng buslo ni Jayson Apolinario para ibalik ang lamang sa La Union, 82-80, at 1:20 sa orasan. Biglang lumamig ang opensa ng Delta kaya napilitan silang mamigay ng foul hanggang maubos ang mga segundo.


Matapos gumawa ng dalawang puntos lang sa unang laro, bumawi si Mitchelle Maynes at nagpasabog agad ng walong puntos sa simula ng laban at tinulungan siya ng reserbang si Roman Gatchalian na nagdagdag ng siyam na puntos para umarangkada agad ang PAOwer, 30-17. Bumawi ang Delta sa likod nina Maiquez, Ronan Santos, Mark Jayson Tamayo, Clifton Gania at Cyruz Antiza para dumikit sa huling quarter.


Nanguna para sa La Union si Apolonio na may 17 puntos at pitong rebound. Sumunod si Gatchalian na may 15 puntos habang pinasok ni Romel Vincent Doliente ang apat na tres para sa 12 puntos. Namuno sa Pampanga si Maiquez na may 25 puntos at siyam na rebound. Parehong nag-ambag ng 11 puntos sina Gania at Santos.


Pararangalan ng NBL ang mga mahusay na manlalaro ng torneo bago ang Game Three. Nagwagi ang Delta sa unang laro ng serye noong Huwebes, 88-83, sa likod ng 24 puntos ni Levi Hernandez.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page