Gambling lords na nag-o-operate ng illegal gambling, walang takot kay P-Duterte
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | July 22, 2021
WALA YATANG TAKOT KAY P-DUTERTE ANG MGA ILLLEGAL GAMBLING LORDS—Bukod sa POGO, kabilang din ang mga STL (Small-Town Lottery) at online sabong operators sa binigyan ng permiso ni P-Duterte na mag-operate kung saang lugar man gusto nila maglagay ng mga ganitong uri ng pasugalan, at ang mga hindi pinayagang mag-operate ay ang illegal na “Perya ng Bayan”-con jueteng, STL-con jueteng, lotteng at bookies.
Ang siste, tila walang takot kay P-Duterte ang mga gambling lords ng “Perya ng Bayan”-con jueteng, STL-con jueteng, lotteng at bookies kasi hindi naman sila kasama sa pinag-operate, eh, tuloy pa rin ang raket sa kanilang illegal gambling operations, boom!
◘◘◘
SA PANAHON NI P-DUTERTE, NAKAPANGISDA NA ANG MGA CHINESE, NAGKA-POGO PA SA TERITORYO NG ‘PINAS—Nanawagan si dating Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario sa mga Pinoy na ang ibotong kandidato sa halalan ay ‘yung gagawa ng kabutihan para sa Pilipinas, at hindi kabutihan para sa China.
Dapat lang, para hindi na makapangisda sa West Philippine Sea (WPS) ang mga Chinese fisherman at matanggal na rin ang mga POGO (Philippine Offshore Gaming Operators) na pinatatakbo ng mga Chinese gambling lords sa bansa.
Sa panahon ni P-Duterte ay nabigyan ng permiso ang mga Chinese na mangisda sa dagat ng Pilipinas at makapag-operate naman ang mga POGO sa lupa ng ating bansa, buwisit!
◘◘◘
MGA PD NG PANGASINAN, CAVITE, RIZAL, LAGUNA AT BATANGAS, ‘NGANGA’ SA RAKET NA ‘PERYA NG BAYAN’-CON JUETENG AT STL-CON JUETENG—Ang may kontrol ng raket na “Perya ng Bayan”-con jueteng sa Pangasinan ay sina “Mat”, “Fajardo” at “Chito”; sa Cavite at Rizal ay sina “John Yap”, “Manalang” at “Renen” at ang may pa-STL-con jueteng naman sa Laguna ay sina “Ibora”, “Toce” at “Alvarez” at sa Batangas naman ay sina “Reyes” at “Biskotso”.
Illegal ang mga pasugalang ‘yan, pero nakapagtatakang, “nganga” lang sa raket ng mga gambling lords na sina Pangasinan PD Col. Ronald Gayo; Cavite PD Col. Marlon Santos; Rizal PD Col. Joseph Arguelles; Laguna PD Col. Serafin Petallo at Batangas PD Col. Rex Arvin Malimban, period!
◘◘◘
TUTULUG-TULOG YATA SA PANSITAN SI GEN. MACARAEG KAYA NAPASOK NG MGA MANRARAKET ANG KANYANG JURISDICTION—Nagkalat na naman daw ang raket na lotteng at bookies nina “Joy”, “Dek”, “Ricky”, “PJ”, “Allen” at “Josie” sa Parañaque City, Taguig City, Muntinlupa City, Pasay City, Makati City at Las Piñas City.
Mantakin n’yo, hindi lang pala STL-con jueteng ang namamayagpag sa mga lugar na ‘yan, kundi pati lotteng.
Tutulug-tulog yata sa pansitan si Southern Police District (SPD) Director, Gen. Jamil Macaraeg kaya hindi niya alam ay napasok at nagkalat na mga manraraket sa kanyang jurisdiction, boom!





Comments