top of page

Galunggong na pang-masang Pinoy, 'di na abot-kamay, aksyunan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 39 minutes ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | December 5, 2025



Boses by Ryan Sison


Nakakabigla ang bawat balitang may biglang taas-presyo, lalo na kapag pagkain ang pinag-uusapan. 


Ngayon, pati ang galunggong na simbolo ng abot-kayang pagkain ng pamilyang Pinoy ay pumapalo na rin sa P300 hanggang P400 kada kilo, malinaw na kailangan ng mas malalim na aksyon kaysa simpleng payo na maghanap ng alternatibo. 


Ayon kay Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., parehong lokal at imported na galunggong ang tumaas ang presyo — imported mula P280 hanggang P350, at lokal mula P300 hanggang P400 kada kilo. 


Itinuturo ang kakulangan ng huli dulot ng closed fishing season at global shortage, na dahilan kung saan nananatiling mataas ang presyo nito.


Habang hinihintay pa ang mga imported shipments na naantala dahil sa masamang panahon, pinayuhan naman ng kalihim ang publiko na pansamantalang tumingin sa ibang pagpipilian, katulad ng manok, mackerel, bangus, at tilapia. 


Kung presyo lang ang pagbabasehan, tama naman na mas mura ang dressed chicken kaysa sa kasalukuyang merkado. Pero sa mas malalim na pang-unawa, hindi sapat na solusyon ang pagrerekomenda ng alternatibo. Ilang taon na nating naririnig ang dramang ito na habang tumataas ang presyo ay laging dahil kulang ang supply. Subalit ang tanong na dapat sagutin at harapin ng mga policymaker, bakit taun-taon lumalala?


Bakit hindi maagapan bago pa magtaasan ang presyo? At bakit tila hindi pa rin natututukan ang grassroots fishing industry na siyang pinagmumulan ng pangunahing pagkain ng masa? 


Aminado si Laurel na wala pang sapat na suplay ng galunggong sa merkado sa ngayon, base sa datos at sa sarili nitong pag-aaral. 


Kung tutuusin, hindi natatapos ang tungkulin sa pagsasabi ng katotohanan, nararapat itong samahan ng kongkretong hakbang upang mapababa ang presyo, at hindi para lamang mag-adjust ang mga mamimili. 


Ang galunggong ay bahagi ng kulturang Pilipino, at hindi kailangang maging luxury item na pangmayaman. 


Sa panahon na halos lahat ng bilihin ay pataas, gaya ng bigas, gulay, karne, isda, hindi na sapat ang payo lamang na magpalit ng ulam sa hapag-kainan. 


Ang kailangan ay pangmatagalang solusyon, tulad ng mas maayos na fishery management, suportang teknikal para sa mga mangingisda, on-time importation, at malinaw na plano tuwing closed fishing season. 


Kung ang galunggong, na dating “isda ng masa” ay nagiging simbolo ng inflation, dapat itong magsilbing alarm bell sa gobyerno. 


Hindi responsibilidad ng mamamayan ang mag-adjust palagi, tungkulin ng pamahalaan na tiyaking abot-kaya ang inihahain sa bawat mesa.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page