Tangkilikin ang tatlong araw na “Bayanihan, Bakunahan National COVID-19 vaccination days"
ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | November 28, 2021
Mariin nating hinihikayat ang mga hindi pa bakunado laban sa COVID-19 na lumahok sa tatlong araw na “Bayanihan, Bakunahan National COVID-19 Vaccination Days”.
Ito ay magsisimula bukas, November 29 at tatagal hanggang December 1.
Habang isinusulat natin ang column na ‘to, mayroon pang mahigit 70 milyong Pilipino ang hindi pa nakatatanggap ng first dose ng COVID-19 vaccine, samantalang tinatayang 34 milyon pa lamang ang fully vaccinated ayon sa datos ng pamahalaan.
☻☻☻
Naglatag ang pamahalaan ng ilang hakbang upang makahikayat na magpabakuna ang maraming Pilipino. Layon ng programa na makapagbakuna ng 15 milyong Pilipino.
Alinsunod sa Proclamation 1253 na inilabas ng Pangulo, hindi ituturing na absent o lumiban sa trabaho ang mga manggagawa sa pampubliko at pribadong sektor na magpapabakuna.
Kailangan lang na magpakita ng patunay ang empleyado na siya ay nagpabakuna sa loob ng mga itinakdang araw na ito.
☻☻☻
Ayon naman sa Civil Service Commission (CSC), papayagan din ang mga empleyado ng pamahalaan na makararanas ng side effects na lumiban sa trabaho mula tatlo hanggang 15-araw.
Hindi dapat ito ibawas sa leave credits ng empleyado, dagdag pa ng CSC, ngunit kung lumampas sa 15-araw ang excused absence, dapat nang gamitin ang sick o vacation leave.
May mga rekisitos na dapat sundin para makapag-avail ng excused absence na ‘to, tulad ng application for leave, kopya ng vaccination card, medical certificate o clinical abstract na pirmado ng attending physician.
Para sa karagdagang detalye ay maaaring sumangguni sa Memorandum Circular no. 16, series 2021 na makikita sa CSC website.
☻☻☻
Kasama sa ating proteksiyon ang pagpapabakuna laban sa COVID-19, lalo na at napipigilan nito ang pagkakaroon ng malubhang kaso na maaaring magdulot ng hospitalization o kamatayan.
Kung kaya’t hinihimok natin ang ating mga kababayan na makilahok sa vaccination drive, dahil sa ating sama-samang pakikiisa at pagtutulungan ay unti-unti tayong babalik sa normal.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan at ‘wag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments