Gaganap na bagong Elsa sa movie… AICELLE, NEVER MAKAKALIMUTAN NA NIYAKAP NI NORA
- BULGAR

- Dec 7, 2024
- 3 min read
ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | Dec. 7, 2024
Photo: Aicelle Santos - Instagram
Hindi na makakalimutan ni Aicelle Santos ang experience niya sa kaisa-isang Superstar at National Artist na si Nora Aunor nang manood ito ng Isang Himala: The Musical noong taong 2018-2019.
“Yes po, nanood si Miss Nora Aunor sa ‘min, at naalala kong niyakap n’ya kami, nangingilid ang kanyang luha,” sabi ni Aicelle sa grand media launch ng Isang Himala (IH) held last Wednesday.
“At may litrato ako, may ebidensiya, na magkahawak kami ng kamay, na kilig na kilig po ako. Ang naalala ko pa na sinabi n’ya, na nanumbalik lahat sa kanya nu’ng kanilang ginawa ang Himala,’” dagdag pa ng singer.
Ang IH ay isang musical play in 2018 na hango sa 1982 iconic film ni Ate Guy na Himala. Si Aicelle ang gumanap ng iconic role na Elsa.
Ngayon ay isang pelikula na ang Isang Himala at isa sa official entries sa 50th Metro Manila Film Festival (MMFF).
Siyempre, hindi maiwasang magkaroon ng comparison sa pagganap ni Aicelle bilang Elsa sa iconic performance ni Ate Guy noon.
“Kung iisipin ko kung paano ba ipinerform ni Miss Nora ang role, tapos ikukumpara ko kung paano ko rin ba gagawin, kung gagayahin ko ba s’ya o iibahin?
“Sa tingin ko po, hindi maganda, as an actor, na ‘yun ang pagbasehan ko - kung ano ang ginawa ng nauna sa ‘yo. Kaya lagi kong sinasabi na balikan ang script, balikan ang karakter, balikan ang mga kaeksena mo dahil ‘yun ang bubuo ng kuwento,” pahayag ni Aicelle.
“Doon mas makikita ng viewers kung sino ba talaga si Elsa, kung ano ang kaibahan sa musical noon at dito sa pelikula. Noong musical kasi, wala kaming mga lapel, at boom mic lang,” dagdag pa niya.
Sa naturang presscon ay inanunsiyo nga rin ng National Artist for Film and Broadcast Arts na si Ricky Lee na may espesyal na partisipasyon sa IH ang Superstar. Pero hindi na siya nagdetalye at panoorin na lang daw.
Matatandaang si Ricky ang orihinal na nagsulat ng script ng Himala at siya rin ang writer ng Isang Himala.
Directed by MMFF 2023 Best Director Pepe Diokno, kasama rin sa MMFF film sina Bituin Escalante, Kakki Teodoro, and David Ezra among others. Ipapalabas na ito ngayong December 25.
Nawalan ng projects after magreklamo ng rape…
SANDRO, GAME NANG UMARTE ULI

Sandro Muhlach - Instagram
Natutuwa naman si Niño Muhlach at medyo bumubuti na ang kondisyon ng anak niyang si Sandro Muhlach matapos magkaroon ng trauma dahil sa masakit na karanasan ng pang-aabuso.
“Up to now, he’s still going through therapy pero mabuti nga ngayon, nakakalabas na s’ya, nakakanood ng sine, nakaka-concert. Dahil na rin sa suporta ng girlfriend n’ya,” pagbibigay ng update ni Niño tungkol sa anak sa kanyang latest interview sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA).
“Pero nu’ng una talaga, Tito Boy, alam mo ‘yun, mainitin ‘yung ulo n’ya, nakasarado lahat ng bintana sa kuwarto n’ya,” dagdag ng dating Child Wonder.
Hangga’t maaari rin daw ay hindi na nila pinag-uusapan ang nangyari dahil ayaw na ring balikan ni Sandro ang moment na ‘yun.
“Even ‘yung ‘pag pinag-uusapan namin ‘yung kaso with the lawyers, naaapektuhan pa rin s’ya, eh,” aniya.
Matatandaan ngang nitong nakaraang Oktubre ay sinampahan ng Department of Justice (DOJ) ang dalawang GMA independent contractors na sina Jojo Nones and Richard Cruz ng mga kasong rape through sexual assault at acts of lasciviousness dahil
sa umano’y pagsasamantalang ginawa ng mga ito kay Sandro.
Tinanong ni King of Talk Boy Abunda si Niño kung handa na ba siyang magpatawad at sagot ng aktor, kailangan pa ring pagbayaran ang ginawa ng dalawang akusado sa kanyang anak.
“Puwede namang magpatawad, madali ‘yun, eh. Pero kailangan nilang pagbayaran ang ginawa nila sa batas. Puwede namang nakakulong sila pero pinatawad ko sila, eh, ‘di ba?” aniya.
Sa ngayon daw ay naka-break sa showbiz si Sandro dahil nga sa nangyari at walang ginagawang proyekto. Pero nais na rin daw nitong bumalik sa pag-arte.
“Nagsabi s’ya sa ‘kin na, ‘Papa, parang gusto ko nang bumalik ulit,’ kasi nga ang tagal na n’yang nakatengga,” sey ni Niño Muhlach.






Comments