Gaano pa ang kakayaning tiisin ng mga Pilipino?
- BULGAR

- 4 hours ago
- 2 min read
ani Judith Sto. Domingo @Asintado | March 27, 2026

Sa puntong ito, nakakaawa nang masyado ang mga Pilipino. 'Yun ngang wala pa sa rurok ang sigalot sa pagitan ng Israel-US at Iran ay hirap na hirap na ang buhay ng ordinaryong taumbayan, mas lalo pa ngayong ramdam na ramdam na ang epekto nito na tila inunahan ang pasyon ng pagpapakasakit sa Mahal na Araw.
Abang-aba na ang sitwasyon ng pinakamaliliit nating kababayan. Hindi kasukat ang nakikita nating ginagawa ng pamahalaan. Hindi rin natin nararamdaman ang buong bayang pagbabayanihan. Salat sa malalim na pandama at pagsasakripisyo. Hindi natin kailangan ang mga pagpapakita ng gilas sa telebisyon ng mga pulitikong nagmamarunong ngunit hindi naman tumutulong.
Ang mga Pilipino ay parang mga hinahabol ng itak ng kamatayan na nagsisitakbuhan sa isang tahanan para may masilungan at mahingan ng tulong. Katok nang katok sa may-ari ng tahanan, ngunit hindi pinagbubuksan—dedma lang.
Higit pa ang kanilang inaasahan sa administrasyong Marcos Jr. at bawat ahensya nito. Higit pang igting at lalim ng pagiging walang puknat at walang na pagdamay at pagmamalasakit na iginagawad sa itinuturing na tunay na pamilya.
Naghuhumiyaw na ang panawagang suspindihin ang pagpapataw ng excise tax sa langis. At matapos mapirmahan sa wakas ang batas na ito habang isinusulat natin ang kolum na ito ay hiyaw din ng ating mga kababayang gamitin na ang kapangyarihang ito para maibsan ang kanilang kalbaryo.
Kaya naman kung gustong kayanin. Ubra kung gusto. Walang imposible kung may pusong nadarama ang pagdurugo ng taumbayan.
Hanggang kailan pa pagtitiisin ang napakakawawa nang mga kaaba-abang Pilipino? Hanggang kailan pa sila paduduguin? Marami pa kayong maaaring magawa, Pangulong Marcos Jr., napakarami pa.
At ang mga 50 kataong pinakamayayaman sa Pilipinas, mananahimik lamang ba kayo at hindi dadamay sa amin sa panahong ito? Marami kayong puwedeng ibuhos na itulong, napakarami. At ito ang inyong panahon. Bigating mga pangalan. Sana ang bigat ng inyong pangalan ay patunayan niyo ang halaga sa puso ng pinakaabang Pilipino sa panahong ito.
Hindi dapat ganito.
Hindi dapat hayaang lalong magdusa ang taumbayan.
At iyan ay kung gusto at kung hindi ganid.
Ang bait kasi ng mga Pilipino. Todo-tiis, lampas-langit. Samantalang ang manhid at ganid na may magagawa naman para ibsan ang pasakit ng bayan, sinasamantala ang kabaitang iyan.
Kung hanggang saan at hanggang kailan matitiis ng bawat Pilipino ang kaabahang dinaranas ay hindi natin alam ang kahahantungan.
Kaya't asintaduhin ang kanilang kapakanan!
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.




Ang mga Pilipino ay lubos na matiisin at magtiiis hanggang kaya. Subali't ang pagtiiis ay may sukdulan at kung tunay nang nagigipit, ayon nga sa kasabihan, kahit sa patalim ay kakapit. Kung nakikita, na ng isang ama ng tahanan na nagugutom ang kaniyang mga anak, subali't walang pambili ng pagkain, may sakit ang kaniyang asawa pero walang pambili ng gamot or pamasahe man lamang para madala sa pinakalapit na pampublikong pagamutan, nagtiis sa gasera paras magkaroon ng ilaw dahil sobrang taas ng singil sa kuryente, sasabog ang sama-samang galit ng mga mapagtiis na Pilipino at sasambulat itong malakas pa sa putok ng Bulkang Mayon. At sa araw na iyon, kahabagan nawa ng Diyos ang kaluluwa ng mga nasa kapangyarih…