top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Gaano ba katagal ang usad ng imbestigasyon sa ‘Pinas?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 28, 2021
  • 2 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| February 28, 2021



Ika-28 ng Abril 2007, 14-taon na ang nakaraan nang nawala si Jonas Burgos, anak ng beteranong manunulat na si Jose Burgos, Jr., masugid na kritiko ni Ferdinand Marcos. Dinukot si Jonas habang kumakain sa resto sa Ever Gotesco, sa Commonwealth Avenue.


Dahil sa pagpupursige ni Edith Burgos, ina ni Jonas ay natuntunan ang ilang posibleng sangkot sa pagdukot at pagkawala nito. Mga sundalo ang lumabas na responsable sa pagdukot, pagkawala at posibleng pagpatay.


Katatapos lang ni Jonas ng pagsasanay sa Organic Farming para sa mga kasapi ng Magbubukid sa Bulacan, chapter ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Ito marahil ang dahilan ng kanyang pagkawala. “Low Intensity Conflict” ang tawag sa programang laban sa mga aktibista noong panahon ni Marcos. Nagpatuloy pa rin ito sa iba’t ibang administrasyon. Dinukot si Jonas noong panahon ni ex-P-Gloria Macapaga-Arroyo. Anuman ang tawag sa programa ng pamahalaan, iisa pa rin ang layon: ang tugisin at tapusin ang mga sangkot sa mga naturang pulahang samahan. “Red tagging” ang tawag sa ganitong programa. Bahagi ito ng trabaho ng NTF-ELCAC (National Task Force to End Local Communist Armed Conflict).


Kung merong NTF-ELCAC meron ding tokhang. Dalawang magkaiba ngunit may kaugnayang suliraning panglipunan. Ang una ay ang matagal nang problema ng maraming administrasyon hinggil sa rebolusyong armadong pinagpapatuloy ng New People’s Army-Communist Party of the Philippines. Ang pangalawang problema naman ay ang ilegal na droga na tinawag ng kasalukuang administrasyon na pangunahing sanhi ng maraming problema ng ating bansa. Nagbubuhos ng pondo ang kasalukuyang administrasyon upang labanan ang dalawang problema. Nagtatagumpay kaya sila sa kanilang mithiin?


Samantala, noong Miyerkules ng gabi, biglang nagkasagupaan ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ang Philippine National Police (PNP) sa harapan ng Ever Gotesco. Hindi nakauniporme ang dalawang panig. Makikita sa video ang mga lalaking naka-shorts na may dala-dalang high-powered rifles. Hindi sila mukhang pulis o ahente ng PDEA. Sa katapusan ng sagupaan, merong apat na patay: dalawang pulis, isang ahente ng PDEA at isang asset ng PDEA. Ano ba talaga ang nangyari? Buy bust operation ba ito ng PDEA? Bakit nakipagbarilan ang mga pulis sa mga ahente ng PDEA? Wala bang koordinasyon? Kung meron, bakit nagbarilan? Kung wala, bakit wala? Ano ba talaga ang dahilan ng sagupaan sa dalawang dapat magkakamping sangay ng pamahalaan?


Matagal nang nawawala si Jonas Burgos. Sari-saring imbestigasyon na ang nangyari. Para kay Edith Burgos, isa lang ang nais nilang mangyari ngayon. Nais niya at ng mga kapatid ni Jonas na malaman kung nasaan si Jonas, buhay o patay. Kung patay, nais nilang bigyan ng maayos na libing at pagdadalamhati ang kanilang mahal sa buhay. Subalit walang maibigay na anumang impormasyon ang AFP. Wala pa ring maayos at ganap na paglutas sa kaso ng pagdukot kay Jonas.


Ano kaya ang itatagal ng imbestigasyon ng NBI sa sagupaan ng PNP at PDEA sa Commonwealth?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page