Ga-graduate ng Junior at Senior High School, ‘wag hayaang maging illiterate
- BULGAR
- 16 hours ago
- 4 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | May 6, 2025

Noong nakaraang linggo ay tinalakay sa isang pagdinig ng Senate Committee on Basic Education ang mga naging resulta ng 2024 Functional Literacy, Education and Mass Media Survey (FLEMMS). Nababahala tayo sa natuklasan natin na 18.96 milyong mga Pilipinong nakatapos ng junior high school o senior high school ang hindi functionally literate.
Ibig sabihin, hindi sila marunong bumasa, sumulat, mag-compute, at mag-comprehend o umunawa.Nakakaalarma ito dahil kung wala tayong gagawin, milyun-milyon sa ating mga kababayan ang mapagkakaitan ng oportunidad na magkaroon ng magandang kinabukasan.
Sa ginawa nating pagdinig, isinulong ng inyong lingkod ang ilang mga hakbang upang masugpo ang illiteracy sa ating bansa. Isa sa mga binigyan natin ng diin ang aktibong pakikilahok ng mga local government units (LGUs) upang magpatupad ng mga programang mag-aangat ng literacy sa ating mga kababayan.
Hinimok natin ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na imandato sa ating mga LGUs ang paglikha ng mga local literacy councils na siyang mangunguna sa pagpapatupad ng mga programa sa literacy.Una na nating iminungkahi sa National Literacy Council Act (Senate Bill No. 473) ang paglikha ng mga local literacy councils.
Sa ating panukala, itatalaga bilang mga local literacy councils ang mga Local School Board at magiging mandato sa kanila ang pagsugpo sa illiteracy sa kanilang mga nasasakupan. Bahagi ng ating panawagan ang paghimok sa DILG na tulungan ang mga LGUs na magkaroon ng sapat na kakayahan upang ipatupad ang mga programang ito.
Isa pa sa mga maaaring gawin ng mga LGUs ang paghahanap sa ating mga kababayang hindi pa nakakamit ang literacy o kaya naman ay hindi nakapag-aral.
Sa Valenzuela, halimbawa, nagbahay-bahay ang LGU upang mahanap ang mga kababayan nating nangangailangan ng tulong. Matapos silang mahanap, ginawa silang bahagi ng Alternative Learning System (ALS) kung saan ang ating mga kababayang hindi nakapagtapos ay nabibigyan ng pangalawang pagkakataon sa edukasyon.
Hinimok din natin ang Department of Education (DepEd) na tiyakin ang ganap na pagpapatupad ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program. Naging mandato ang pagpapatupad ng programang ito sa ilalim ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act (Republic Act No. 12028) na akda ng inyong lingkod. Layunin ng programang ito na tugunan ang learning loss at suportahan ang mga mag-aaral na nangangailangan ng tulong, kabilang iyong mga hindi nakakamit ang minimum proficiency levels na kinakailangan sa reading, mathematics, at science.
Isa rin sa mga isinusulong natin na bahagi ng programang pang-literacy ang nutrisyon. Lumabas kasi sa datos ng mga probinsya at highly-urbanized cities na kung mataas ang porsyento ng mga batang wala pang limang taong gulang ang stunted o maliit para sa kanilang edad, mababa naman ang porsyento ng populasyon na maituturing na literate.
Malaking hamon ang pagsugpo sa illiteracy ngunit kung magtutulungan tayong lahat mula sa mga paaralan at mga komunidad, naniniwala akong darating din ang araw na wala sa ating kababayan ang mapag-iiwanan. Ngayong ipinagdiriwang natin ang Labor Day o Araw ng Paggawa, binibigyang pugay ng inyong lingkod ang ating mga gurong humuhubog sa susunod na henerasyon ng mga Pilipino.
Maraming sakripisyo ang mga guro upang maturuan ang ating mga mag-aaral na maging mahuhusay at mabubuting mamamayan. Kaya naman ngayong Araw ng Paggawa, nais kong bigyang diin ang patuloy nating pagsulong sa kanilang kapakanan.
Isa sa mga hinaing ng mga guro ang paggawa ng mga non-teaching o administrative tasks. Kung babalikan natin ang Year One Report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), lumalabas na mahigit 50 administrative at non-teaching tasks ang ipinapasa sa mga guro. Kabilang sa mga ito ang pagiging canteen manager, school-based feeding program coordinator, at kung anu-ano pa.
Lumabas din sa isang pag-aaral ng IDInsight na 42% ng mga guro ang nagtatrabaho ng mahigit 50 oras kada linggo, 17.8 oras sa mga ancillary duties at 8.1 oras sa mga gawaing may kinalaman sa iba’t ibang mga programa. Malaking bahagi ng oras na ito ang inilalaan ng mga guro para sa pag-fill out ng mga forms at mga reports, bagay na nakakaapekto sa kanilang pagtuturo.
Dahil ipinagbawal na sa ilalim ng DepEd Order No. 002 s. 2024 ang pagpapagawa ng mga administrative tasks sa mga guro, maraming kawani ang kakailanganin para sa mga non-teaching tasks sa mga paaralan. May 24,519 na administrative officers (AO II) na tayo noong 2024, ngunit kailangan pang lumikha ng 20,680 items upang matiyak na may administrative officers ang bawat pampublikong paaralan.
Maliban sa pag-alis ng mga non-teaching tasks, tuloy din ang panawagan ng mga guro para sa mas mataas na sahod at dagdag na mga benepisyo. Kaya naman patuloy na isinusulong ng inyong lingkod ang pag-amyenda sa Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670) na naisabatas 58 taon na ang nakalilipas.
Inihain ng inyong lingkod ang Revised Magna Carta for Public School Teachers (Senate Bill No. 2493) upang matiyak na natutugunan ng batas ang mga hamong kinakaharap ng ating mga guro.
Kabilang sa mga isinusulong nating pagbabago ang pagbibigay ng calamity leave, educational benefits, at longevity pay; mga kondisyon sa pagbibigay ng special hardship allowance; mas maayos na criteria pagdating sa sahod; proteksyon ng mga guro mula sa mga out-of-pocket expenses; at iba pa.
Iminumungkahi rin nating gawing pantay ang mga sahod, benepisyo, at work condition ng mga probationary teachers sa entry-level teachers. Isinusulong din nating bawasan sa apat mula anim ang oras ng pagtuturo ng mga public school teachers. Batay pa rin sa ating inihaing Revised Magna Carta for Public School Teachers, kung kinakailangang magtrabaho nang hanggang walong oras ang mga guro, kailangan din silang mabigyan ng dagdag na umento. Nais din natin na ipagbawal ang pagbibigay ng mga non-teaching task sa mga guro.
Patuloy nating isusulong ang panukalang batas na ito sa pagpasok ng 20th Congress. Sa ating mga guro, pati na rin sa mga kawani ng ating mga paaralan, maraming salamat sa inyong serbisyo sa ating bansa at sa ating mga kabataan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments