Fuel tanker tumaob, sumabog, 31 todas, 21 pa sugatan

ni Justine Berganio @Overseas News | November 26, 2026

Photo: Aftermath matapos sumabog ang isang fuel tanker sa Warraq, Cairo Egypt - Homahed Hossam_EPA
Patay ang 31 katao habang 21 ang sugatan matapos tumaob at masunog ang isang fuel tanker sa isang mataong highway sa Warraq neighborhood, Cairo, Egypt nitong Miyerkules ng gabi.
Ayon sa mga ulat, nawalan umano ng kontrol ang driver matapos bumagsak ang isang high-voltage cable sa harap ng tanker. Tumawid ito sa center divider, tumaob at nagliyab, dahilan upang kumalat ang gasolina at madamay ang mga kalapit na sasakyan.
Isinugod sa mga kalapit na ospital ang mga biktimang nagtamo ng paso at nakalanghap ng makapal na usok. Nagpadala ang Health Ministry ng 39 ambulansiya upang rumesponde sa insidente.
Nagsagawa na ng imbestigasyon ang regional prosecutor at iniutos ang pagkuha ng DNA samples sa mga bangkay upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga nasawi. Pag-aari umano ng isang private contractor ang tanker.
Matapos apulahin ang apoy at alisin ang mga nasirang sasakyan, muling binuksan sa mga motorista ang highway.
Naitala naman sa Egypt ang halos 6,000 nasawi sa mga aksidente sa kalsada noong nakaraang taon, mas mataas kumpara sa naunang taon, bunsod umano ng mahinang maintenance ng mga sasakyan at paglabag sa traffic laws.





Comments