Foxies, masusubok agad vs. Cargo Movers sa PVL

ni Gerard Arce @Sports | June 22, 2023

Mga laro sa Hunyo 27
(FilOil EcoOil Centre, San Juan City)
1:30 n.h. – Farm Fresh vs. F2 Logistics (Pool B)
4:00 n.h. – Cignal vs. Petro Gazz (Pool B)
6:30 n.g. – Chery Tiggo vs. Creamline (Pool A)
Nakipag-bonding at nagrelax muna si rookie spiker Jolina Dela Cruz kasama ang buong koponang F2 Logistics Cargo Movers bago ang pormal na pagbubukas at debut sa 2023 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference simula Hunyo 27 sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Nakatakdang sumabak agad ang Cargo Movers sa unang laro sa ala-1:30 ng hapon kontra sa bagong koponan na Farm Fresh Foxies ni two-time National Collegiate Athletic Association (NCAA) champion mula College of Saint Benilde Lady Blazers coach Jerry Yee sa preliminaries ng Pool B.
Matindi ang mga nakalinyang mga katunggali ng 2023 All-Filipino Conference third placer na makakasama ang mas pinalakas na Cignal HD Spikers, last conference runner-up Petro Gazz Angels, at Choco Mucho Flying Titans na mag-uunahan para sa top-2 spot sa semis.
Nagkaroon ng oras at panahon ang bawat magkakakampi sa isang beach outing at naglaro pa ng usong laro na ‘Lato-Lato.’ “The continuous fortification of the ties that bind us makes us a stronger family,” ayon sa post na inilabas ng team club sa kanilang twitter account.
Nakasama rin ni Dela Cruz ang kapwa rookies na sina Mars Alba ng DLSU Spikers at Jovelyn Fernandez ng FEU Lady Tamaraws, maging ang regular members na sina Aby Marano, Kim Kianna Dy, Kim Fajardo, Ara Galang, Dawn Macandili, Carmel Woo, Ivy Lacsina, Majoy Baron, Cha Behag, Shola Alvarez, Elaine Kasilag, Rovena Instrella, Chinnie Arroyo, Jessma Ramos at Myla Pablo.
Puntirya ng Cargo Movers na makatuntong ng championship round matapos kapusin sa semifinals ng All-Filipino kontra sa Creamline Cool Smashers.





Comments