For sale ng P14 M… CARLA, IBINEBENTA ANG CONDO PARA 'DI NA MAALALA SI TOM
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | March 19, 2022

“Bina-bash tayo ngayon dahil mali raw ‘yung ating (balita), pina-fact check tayo,” sabi ni Ogie Diaz sa Showbiz Update YouTube channel nila ni Mama Loi kasama sina Ate Mrena at Tita Jegs na in-upload kahapon nang madaling-araw, Biyernes.
Ang binabanggit ni Ogie ay nang ibinalita nila ni Mama Loi kamakailan na P2M na lang ang halaga ng condo unit ni Carla Abellana na nasa The Grove by Rockwell sa E. Rodriguez Jr. Avenue, Pasig City.
Nabanggit pa na ibinebenta na ito nang palugi dahil gusto nang i-dispose ng aktres para hindi na maalala ang memories nila ng asawang si Tom Rodriguez, since hanggang ngayon nga ay hindi pa sila okay.
Kinorek kasi ni Carla na hindi P2M na lang ang halaga ng condo unit niya kundi in-slash niya ito ng dalawang milyong piso base na rin sa series of IG Story niya kamakailan.
Tila nag-lecture pa ang aktres dahil ipinakita niya ang computation kada square meter ng unit niya bagama’t hindi niya binanggit kung ilan ang sukat nito. Pero sa kuwenta namin ay nasa 80 square meters lahat at aabutin ng P16 M, na kapag tinanggal niya ang P2 M, nasa P14 M na lang ang presyo nito, plus mga gamit sa loob.
At dahil dito ay humingi ng dispensa si Ogie kay Carla.
“Pasens'ya na, nagkamali lang naman kami, at oo, alam naman namin ang meaning ng slashed (off). Ibig sabihin, 2 million ang slashed na nasabi lang naming P2 million na lang, nawala sa isip namin, pasensiya na, tao lang!” paliwanag ng talent manager-cum vlogger.
Sabay tanong kay Mama Loi, “Magkano halaga nu’n?”
“P14 M ‘yung market value, so, hindi pa natin alam kung magkano,” sagot ni Mama Loi.
“Okay, sana, sabihin na lang, may bibili naman lalo na galing sa kanya. Pangalan pala niya ang nandoon, nakarehistro, nasa title na Carla Abellana lang. At ano pa nga ang sabi ni Carla ru'n?” tanong ulit ni Ogie sa kasama.
“Mag-manual na lang daw kayo sa kanya at sa brokers niya,” natawang sabi ni Mama Loi.
“Magkano kaya? 'Di ba, ayaw nilang i-announce?” sabi ulit.
“Ayaw nilang i-announce ‘yan. Normally, hindi talaga ina-announce ‘yan,” sambit naman ni Ogie.
At dahil napag-usapan nila ang condo unit ni Carla at marami ang na-curious na baka nga P2 M na lang, kaya nagulat ang aktres sa mababang presyo at kinlaro nga ito na hindi ito dalawang milyong piso lang kundi nagbawas siya ng ganu’ng halaga.
“Aminin n’yo, marami ang na-curious nu’ng kami ay nagkamali ng nasabi,” diin ni Ogie.
Sabi pa, “Nobody is perfect, darling. Kapag nagkakamali ka, eh, di humingi ka ng sorry. I am sorry, ‘no?” sa tono ng hindi malilimutang paghingi ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ng sorry sa taumbayan.
Panay naman ang sang-ayon ni Mama Loi sa mga pahayag ng kasama niya sa vlog.
Sabi ni Mama Loi, “Sana po, mabili agad-agad.”
Sabay hirit ni Ogie, “Imagine, ‘yung condo ang napag-usapan, hindi ‘yung kung magkakabalikan ba sila ni Tom? Imbes na 'Ano na ba ang lagay ninyo ni Tom?' ang daming tanong doon (sa relasyon), pero na-focus doon sa pagkakamali (namin). Mali naman talaga at kung P2M ‘yun, bibilhin ko ‘yun.”





Comments