top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Football ang unang bumangon noong 2020 krisis ng pandemya

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 3, 2021
2 min read

Updated: Jan 9, 2021

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 3, 2021





Ang football ang isa sa mga mapalad na disiplina na nakabangon sa gitna ng krisis sa kalusugan ngayong 2020. Sumunod ang Philippines Football League (PFL) sa mga yapak ng mga malalaking liga upang patunayan muli kung bakit ang Football ang pinakasikat at numero unong laro sa buong daigdig.


Maganda ang simula ng taon at gumawa ng ingay ang defending PFL champion Ceres Negros sa qualifier para sa 2020 AFC Asian Champions League, ang pinakamalaking torneo sa buong Asya. Magkasunod na tinalo ng Busmen ang Shan United ng Myanmar, 3-2, at Port ng Thailand, 1-0, subalit nabitin makapasok sa huling laro kontra FC Tokyo, 0-2.


Sa husay na kanilang ipinamalas, hindi nakapagtatakang bumida ang Ceres sa 2020 AFC Cup pagsapit ng Pebrero kasama ang Kaya Iloilo. Parehong hindi tumikim ng talo ang mga pambato ng Pilipinas sa loob ng kanilang tig-tatlong laban subalit biglang tinigil ang torneo noong Marso at tuluyang ipinagpaliban noong Setyembre.


Sa gitna ng paghihintay, nagpasya ang may-ari ng Busmen na si Leo Ray Yanson na ibenta ang koponan sa mga bagong mamumuhunan. Pinalitan ang pangalan ng Ceres sa United City Football Club at pinabalik ang 16 sa dating 21 manlalaro.


Nagtrabaho at nagsakrispisyo ng todo ang pamunuan ng PFL, Philippine Football Federation at mga ahensya ng pamahalaan na maraos ang PFL sa loob ng isang bubble sa National Football Training Center sa Carmona, Cavite. Hindi natinag ang liga sa banta ng parating na bagyo at mga nasuring positibo sa virus upang magbukas noong Oktubtre 28 tampok ang anim na koponan – United City, Kaya Iloilo, Stallion Laguna, Mendiola 1991 at mga bagong tatag na Azkals Development Team at Maharlika Manila.


Ipinakita ng United City ang taas ng kanilang kalidad at madaling nakamit ang kampeonato ng 2020 PFL hatid ng Qatar Airways. Napiling Most Valuable Player si Stephan Schrock at binigyan ng parangal sina Bienvendo Maranon para sa pinakamaraming goal at Anthony Pinthus na pinakamahusay na goalkeeper.


Kung malusog ang eksena sa mga club team, nagpahinga ang Philippine Azkals at Malditas sa buong 2020. Binura ng pandemya ang 2020 AFF Suzuki Cup at ang pinagsabay na qualifier para sa 2022 FIFA World Cup Qatar at 2023 AFC Asian Cup China para sa Azkals habang ipinaliban ang AFF Women’s Championship para sa Malditas na gaganapin sana sa Pilipinas.


Samantala, walang nakoronahan na kampeon sa mga pangunahing liga ng kolehiyo na NCAA at UAAP matapos ipatigil ang kanilang mga torneo. Noong nakaraang Enero ay nanatili sa De La Salle University ang kampeonato sa PFF Women’s League.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page