Floating barrier sa WPS, pinalagan
- BULGAR

- 3 hours ago
- 1 min read
ni Mylene Alfonso @News | April 22, 2026

Photo: File / Jose Antonio Ka-Pep Goitia
Muling hinarang ang pagpasok ng mga mangingisdang Pilipino sa Scarborough Shoal sa pamamagitan ng floating barrier, kahit ang lugar ay nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Kasabay nito, patuloy umano ang pagpapalawak ng presensya ng Tsina sa ibang bahagi ng karagatan, kabilang ang mga ulat ng pagpapatayo ng airbase sa Antelope Reef.
Ayon sa Foundation for Defense of Democracies, ito ay bahagi ng tinatawag na “gray-zone” strategy—mga hakbang na hindi direktang komprontasyon, ngunit may layuning unti-unting baguhin ang umiiral na sitwasyon sa dagat.
“Maaaring magtayo ng harang sa dagat at mga runway sa mga bahura, pero hindi kailanman maitatayo ang soberanya mula sa isang ilegal na batayan,” pagdidiin ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia.
Matagal na umanong malinaw ang usaping legal. Ang 2016 Arbitral Award sa ilalim ng UNCLOS ay nagpasya na walang sapat na batayan ang malawak na “historic rights” na inaangkin ng Tsina sa loob ng tinatawag na nine-dash line.
“Kapag ang pag-access ay kailangang ipagpaalam sa iba, hindi lang teritoryo ang nalalagay sa panganib, kundi ang dangal ng bansa,” dagdag pa nito.
“Walang harang ang makakahadlang sa katotohanan. Walang base ang makakapagtibay ng maling pag-angkin. At walang kapangyarihan ang makakaagaw sa isang bayang handang ipaglaban ang sa kanya,” ayon pa kay Goitia.




Comments