top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | April 28, 2026



Gilbert Gibo Teodoro, Jr. - FB - DND

Photo: Gilbert Gibo Teodoro, Jr. / FB / DND



Binigyang-diin ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” C. Teodoro Jr. na walang puwang ang mga paratang na walang sapat na ebidensya sa ilalim ng pandaigdigang batas, kasabay ng panawagang ipagtanggol ng Pilipinas ang mga lehitimong karapatan nito.


Tinanggihan ni Teodoro ang alegasyon ng Tsina kaugnay ng Ayungin Shoal at hinamon


itong patunayan ang mga paratang sa tamang legal na forum.


Suportado ito ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, na nagsabing hindi dapat sumuko ang bansa sa anumang pressure at dapat igiit ang mga karapatang likas na para sa Pilipinas.


Ayon pa kay Goitia, mas nauunawaan na ngayon ng maraming Pilipino ang sitwasyon sa West Philippine Sea, kabilang ang epekto nito sa teritoryo at kabuhayan ng mamamayan.


Binigyang-diin din niya na ang soberanya ay dapat ipagtanggol nang hayagan, may tapang at malinaw na direksyon.


“Ang soberanya ay hindi ipinagtatanggol nang palihim. Ito ay pinaninindigan nang may tapang, malinaw na direksyon, at matibay na kalooban ng isang bayang hindi papayag na ipagkait ang kanyang mga karapatan.”

 
 

ni Mylene Alfonso @News | April 22, 2026



West Philippine Sea - Jose Antonio Ka-Pep Goitia

Photo: File / Jose Antonio Ka-Pep Goitia



Muling hinarang ang pagpasok ng mga mangingisdang Pilipino sa Scarborough Shoal sa pamamagitan ng floating barrier, kahit ang lugar ay nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.


Kasabay nito, patuloy umano ang pagpapalawak ng presensya ng Tsina sa ibang bahagi ng karagatan, kabilang ang mga ulat ng pagpapatayo ng airbase sa Antelope Reef.


Ayon sa Foundation for Defense of Democracies, ito ay bahagi ng tinatawag na “gray-zone” strategy—mga hakbang na hindi direktang komprontasyon, ngunit may layuning unti-unting baguhin ang umiiral na sitwasyon sa dagat. 


“Maaaring magtayo ng harang sa dagat at mga runway sa mga bahura, pero hindi kailanman maitatayo ang soberanya mula sa isang ilegal na batayan,” pagdidiin ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia.


Matagal na umanong malinaw ang usaping legal. Ang 2016 Arbitral Award sa ilalim ng UNCLOS ay nagpasya na walang sapat na batayan ang malawak na “historic rights” na inaangkin ng Tsina sa loob ng tinatawag na nine-dash line. 


“Kapag ang pag-access ay kailangang ipagpaalam sa iba, hindi lang teritoryo ang nalalagay sa panganib, kundi ang dangal ng bansa,” dagdag pa nito. 


“Walang harang ang makakahadlang sa katotohanan. Walang base ang makakapagtibay ng maling pag-angkin. At walang kapangyarihan ang makakaagaw sa isang bayang handang ipaglaban ang sa kanya,” ayon pa kay Goitia.

 
 

ni Mylene Alfonso @News | February 10, 2026



West Philippine Sea - Jose Antonio Ka-Pep Goitia

Photo File: FB / Jose Antonio Ka-Pep Goitia



SA gitna ng mga pahayag na kumakalat online hinggil sa West Philippine Sea (WPS), pinaalalahanan ni Chairman Emeritus Jose Antonio Goitia ang publiko na maging mapanuri sa mga naratibong nagpapahina sa tiwala ng bansa sa batas at sa sariling soberanya.


May mga pahayag sa social media, kabilang ang mula umano kay Sass Rogando Sasot, na kailangang suriing mabuti, lalo na kung ang epekto nito ay ang pagdududa sa mga karapatang matagal nang pinagtitibay ng batas internasyonal. 


“Kapag ang pagdududa na walang batayan ay tinatanggap bilang normal, ang pag-iingat ay nagiging anyo na ng pagsuko,” ani Goitia. 


Hindi aniya kailanman naging malabo ang paninindigan ng Pilipinas sa Ayungin Shoal. Ito ay ipinagtatanggol bilang bahagi ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa, hindi bilang lupain.


Sa ilalim ng UNCLOS, may ganap na karapatan ang Pilipinas na magpatupad ng batas, ipagtanggol ang likas-yaman, at panatilihin ang presensya nito sa loob ng EEZ. Ang mga karapatang ito ay malinaw umanong pinagtibay ng arbitral ruling noong 2016. 


Ang desisyon ng Pilipinas na tahakin ang landas ng arbitration ay hindi umano tanda ng kahinaan, kundi patunay ng disiplina at lakas ng paninindigan ng estado. 


Sa kabila ng ingay sa social media, nananatili umanong buo ang legal na posisyon ng Pilipinas. Wala umanong batas mula sa Kongreso at walang desisyon ng Korte Suprema na nagpawalambisa sa Presidential Decree No. 1596. Gayundin, walang pahayag sa arbitration na may kapangyarihang gawin ito.


Ang UNCLOS ay nakatuon sa mga karapatang pandagat, hindi sa pagbura ng mga pambansang batas.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page