top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | April 22, 2026



West Philippine Sea - Jose Antonio Ka-Pep Goitia

Photo: File / Jose Antonio Ka-Pep Goitia



Muling hinarang ang pagpasok ng mga mangingisdang Pilipino sa Scarborough Shoal sa pamamagitan ng floating barrier, kahit ang lugar ay nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.


Kasabay nito, patuloy umano ang pagpapalawak ng presensya ng Tsina sa ibang bahagi ng karagatan, kabilang ang mga ulat ng pagpapatayo ng airbase sa Antelope Reef.


Ayon sa Foundation for Defense of Democracies, ito ay bahagi ng tinatawag na “gray-zone” strategy—mga hakbang na hindi direktang komprontasyon, ngunit may layuning unti-unting baguhin ang umiiral na sitwasyon sa dagat. 


“Maaaring magtayo ng harang sa dagat at mga runway sa mga bahura, pero hindi kailanman maitatayo ang soberanya mula sa isang ilegal na batayan,” pagdidiin ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia.


Matagal na umanong malinaw ang usaping legal. Ang 2016 Arbitral Award sa ilalim ng UNCLOS ay nagpasya na walang sapat na batayan ang malawak na “historic rights” na inaangkin ng Tsina sa loob ng tinatawag na nine-dash line. 


“Kapag ang pag-access ay kailangang ipagpaalam sa iba, hindi lang teritoryo ang nalalagay sa panganib, kundi ang dangal ng bansa,” dagdag pa nito. 


“Walang harang ang makakahadlang sa katotohanan. Walang base ang makakapagtibay ng maling pag-angkin. At walang kapangyarihan ang makakaagaw sa isang bayang handang ipaglaban ang sa kanya,” ayon pa kay Goitia.

 
 

ni Mylene Alfonso @News | February 10, 2026



West Philippine Sea - Jose Antonio Ka-Pep Goitia

Photo File: FB / Jose Antonio Ka-Pep Goitia



SA gitna ng mga pahayag na kumakalat online hinggil sa West Philippine Sea (WPS), pinaalalahanan ni Chairman Emeritus Jose Antonio Goitia ang publiko na maging mapanuri sa mga naratibong nagpapahina sa tiwala ng bansa sa batas at sa sariling soberanya.


May mga pahayag sa social media, kabilang ang mula umano kay Sass Rogando Sasot, na kailangang suriing mabuti, lalo na kung ang epekto nito ay ang pagdududa sa mga karapatang matagal nang pinagtitibay ng batas internasyonal. 


“Kapag ang pagdududa na walang batayan ay tinatanggap bilang normal, ang pag-iingat ay nagiging anyo na ng pagsuko,” ani Goitia. 


Hindi aniya kailanman naging malabo ang paninindigan ng Pilipinas sa Ayungin Shoal. Ito ay ipinagtatanggol bilang bahagi ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa, hindi bilang lupain.


Sa ilalim ng UNCLOS, may ganap na karapatan ang Pilipinas na magpatupad ng batas, ipagtanggol ang likas-yaman, at panatilihin ang presensya nito sa loob ng EEZ. Ang mga karapatang ito ay malinaw umanong pinagtibay ng arbitral ruling noong 2016. 


Ang desisyon ng Pilipinas na tahakin ang landas ng arbitration ay hindi umano tanda ng kahinaan, kundi patunay ng disiplina at lakas ng paninindigan ng estado. 


Sa kabila ng ingay sa social media, nananatili umanong buo ang legal na posisyon ng Pilipinas. Wala umanong batas mula sa Kongreso at walang desisyon ng Korte Suprema na nagpawalambisa sa Presidential Decree No. 1596. Gayundin, walang pahayag sa arbitration na may kapangyarihang gawin ito.


Ang UNCLOS ay nakatuon sa mga karapatang pandagat, hindi sa pagbura ng mga pambansang batas.


 
 

ni Mylene Alfonso @News | February 9, 2026



West Philippine Sea - Jose Antonio Ka-Pep Goitia, Rodante Marcoleta at Robin Padilla - FB

Photo File: Jose Antonio Ka-Pep Goitia, Rodante Marcoleta at Robin Padilla - FB



Hindi umano maaaring palampasin ang mga pag-atake sa legal na posisyon ng Pilipinas, lalo na laban sa Philippine Coast Guard (PCG) at sa Armed Forces of the Philippines (AFP).


"Kapag pinahihina ang mga institusyong nagtatanggol sa Republika, ang neutralidad ay hindi na pagiging maingat. Ito ay nagiging pagsuko," ani Dr. Jose Antonio Goitia.

“Ang mga panawagan para sa pag-urong ay bihirang aminin bilang pagtataksil,” dagdag ni Goitia.


Nakaugat ang karapatan ng Pilipinas sa United Nations Convention on the Law of the Sea at pinagtibay ng desisyong arbitral noong 2016 na bumura sa umano'y malawak at kathang-isip na pag-angkin ng Tsina.


Hindi umano hinihingi ng batas ang hiwalay na mga coordinate upang maitatag ang Exclusive Economic Zone ng Pilipinas. 


Sa ilalim ng UNCLOS, ang mga karapatang pandagat ay likas na nagmumula sa mga archipelagic baseline. 





Samantala, ang tinatawag na nine-dash line ng Tsina ay wala umanong batayan, walang malinaw na hangganan, at walang bisa sa mata ng internasyonal na batas.


Hindi umano maaaring maliitin ang epekto ng mga pahayag nina Senador Rodante Marcoleta, Senador Robin Padilla, at ilang personalidad sa media. 


Ang patuloy na pagkuwestiyon sa mga karapatang pandagat ng bansa at ang pag-ulit ng mga naratibong hinubog ng dayuhang kapangyarihan ay naglalagay umano sa alanganin ang pambansang interes sa panahong kinakailangan ang malinaw at matibay na paninindigan.


"Ang soberanya ay hindi usapin ng opinyon," giit ni Goitia. "Ito ay nakapaloob sa Konstitusyon at sa batas. Ang pagdududa rito ay tahasang banta sa kakayahan ng

Republika na ipagtanggol ang sarili."


"Ang Palawan ay hindi kailanman naging bahagi ng Tsina," ani Goitia. "Walang alitang legal

ukol sa Palawan. Kasinungalingan lamang ang ipinapakalat," giit ni Goitia.   

"Walang isusukong teritoryo. Walang soberanyang ipagkakasundo. Ang Pilipinas ay naninindigan," dagdag pa nito.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page