Final testing at sealing ng vote counting machines sa Mayo 2-7 – Comelec
- BULGAR

- Mar 27, 2022
- 2 min read
ni Lolet Abania | March 27, 2022

Hinimok ng Commission on Elections (Comelec) sa publiko at sa mga political parties na sadyaing magtungo sa mga precincts sa buong bansa sa Mayo 2 hanggang 7 upang personal na masaksihan ang final testing at sealing ng mga vote counting machines (VCMs) na gagamitin para sa 2022 national at local elections.
Sa isang radio interview ngayong Linggo, sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia na sa mga panahong iyon, bawat presinto ay gagamit ng 10 orihinal na balota para sa May 9 polls, at ang mga bibisita ay maaaring i-test o subukan ang mga ito.
“Magkakaroon tayo sa lahat ng presinto sa buong Pilipinas ng tinatawag nating final testing and sealing, ‘yung pagsasara ng mga vote counting machines. Ine-enganyo natin ang lahat ng political parties, citizens’ arm, mga kababayan nating botante, inyo pong puntahan ang mga presinto sa araw na ‘yan,” saad ni Garcia.
“Ite-test po kasi ang mga vote counting machines. Susubukan ‘yan at kinakailangan lahat po kayo ay makasaksi na ang ipi-print niya muna na resibo ay zero. Kinakailangan niyong makita ang zero dahil ibig sabihin niyan walang laman ang makina dahil zero ang pinrint niya,” dagdag ng opisyal.
Ipinaliwanag din ni Garcia na ang volunteers na magpa-participate para sa VCMs’ final testing at sealing sa mga nasabing petsa ay maaaring subukan na i-undervote o overvote, i-shade ang balota incorrectly o maliin, at guhitan o punitin ang balota para i-check kung tatanggapin ang mga ito ng VCMs.
“Para ma-test natin talaga bang ‘yung balota ko, kinakain ba talaga ‘yan ng machine? Talaga bang ang balota ay tinatanggap, at ‘yung ang boto ko ba ay nabilang nang tama? Doon niyo po makikita para po hindi nagrereklamo,” ani Garcia.
Sinabi naman ni Garcia na kapag ang mga VCMs ay na-sealed na sa harap ng mga witness, ang mga representatives mula sa political parties ay kailangan pumirma ng isang form na nagpapatunay na ang mga VCMs ay hindi impaired o sira at handa na ang mga ito para sa May 9 elections.
Nitong Huwebes, nagsagawa ang Comelec ng isang random manual checking ng mga official ballots para sa 2022 elections, kung saan pinayagan ang maraming representante mula political parties at election stakeholders na i-check ang kalidad ng mga printed ballots.




Comments