FINAL ANSWER: SEN. BONG, NEVER NANG TATAKBO SA MAS MATAAS NA POSISYON
ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | September 23, 2022

Wala nang kabalak-balak pa si Sen. Bong Revilla, Jr. na tumakbo sa mas mataas na posisyon. Ito ang paglilinaw niya sa mga nag-iisip na baka may agenda siya kaya namimigay ng malalaking papremyo tuwing sumasapit ang kanyang kaarawan taun-taon.
“Sa kanila na ang posisyon,” sey niya kahapon nang makatsikahan ng entertainment press sa isang early lunch.
Nagsasalita na nga raw siya nang patapos at aniya, “I’m saying it, sa kanila na po, ako’y tutulong na lamang.”
Tandang-tanda ng aktor-pulitiko na nang magsalita siya na tatakbo sa mataas na posisyon (pagka-pangulo) ay nagsimula na nga ang mga akusasyon sa kanya hanggang sa makulong siya.
“Simula nang lumabas ‘yun, eh, na tatakbo ako for a higher position, doon nila ako dinurog, eh.
Ganyan kadumi ang pulitika sa atin, eh, kaya ako napunta ng Crame dahil sa ganyan, eh,” aniya.
Final na nga raw ang desisyon niyang ito at kuntento na siya sa pagiging senador.
“Happy ako sa pagiging senador. Senador ka, nakakatulong ka sa kapwa mo, nakakapag-perform ka. Kumbaga, as a senator of the Republic, nakakagawa ka ng batas para makatulong ka sa kapwa mo,” he said.
And speaking of pagtulong, dahil nga nalalapit na naman ang kanyang kaarawan ay may bonggang pasabog si Sen. Bong sa mga mamamayan.
Sa pagdiriwang ng kanyang ika-56 na kaarawan, bilang pasasalamat na rin sa mga biyayang natatanggap ay magkakaroon si Sen. Bong ng ‘ALYAS POGI BIRTHDAY GIVEAWAY’ na gaganapin nang alas-6 ng gabi, Linggo, Setyembre 25, 2022.
Mapapanood ito sa www.facebook.com/bongrevillajr.ph.
Makakasama niya rito ang asawang si Lani Mercado-Revilla at ilan sa mga kapamilya na magdaragdag-saya sa programa.
Sa pagtutulungan ng mga sponsors, malalapit na kaibigan, ilang negosyante at iba pa, magbibigay sila ng hindi lang isa kundi dalawa nang brand new car na highlight ng programa.
Mayroon ding 10 motorsiklo, laptop, cash prizes na P100,000, P50,000, P20,000 at P10,000 sa mga mapipili at hindi bibitiw sa panonood. Limandaang (500) katao ang mananalo ng tig-iisang libong piso. Taun-taong ginagawa ni Sen. Bong ang mamahagi ng cash at gadgets.
“Walang ibang gagawin kundi tumutok sa programa, sumali sa mga palarong madadali lang at may tsansa na kayong manalo ng bagong kotse, mga motorsiklo at marami pang iba,” paliwanag ni Sen. Bong.





Comments