Final answer: ‘Di bakunadong bata, bawal lumabas
ni Ryan Sison - @Boses | October 28, 2021
Bagama’t pinapayagang makalabas ang mga bata upang makapag-ehersisyo, nilinaw ng Malacañang na kung susundin ang general rule ng Inter-Agency Task Force (IATF), dapat nasa bahay lamang ang mga batang wala pang bakuna kontra COVID-19.
Paliwanag ni Presidential spokesperson Harry Roque, nasa resolusyon ng IATF na hindi dapat lumalabas ang mga batang wala pang bakuna, at ang tanging exception lamang umano ay kung lalabas ang mga ito upang mag-ehersisyo para sa kanilang mental health.
Bagama’t maaaring magtungo ang mga bata sa open spaces, hindi inirerekomenda na ibiyahe pa sila sa malayong lugar.
Matatandang una rito, naging isyu ang pagdagsa ng maraming tao sa Dolomite beach sa Manila Bay dahil karamihan sa mga bumisita rito ay may mga kasamang bata.
Gayundin, nakatanggap pa ng ulat na may mga nagtungo sa naturang beach na galing pa sa labas ng National Capital Region (NCR).
At hindi lang ‘yan, marami ring magulang na nagsama ng kani-kanilang anak na menor-de-edad sa sementeryo gayung pinayagan ang mas maagang pagbisita rito bago ang Undas.
Sa totoo lang, kung malayang makalalabas ang mga menor-de-edad, kahit pa kasama ang mga magulang, nakababahala dahil hindi naman natitiyak ang kaligtasan ng bawat isa, lalo na’t marami-raming kabataan pa ang kailangang mabakunahan.
Pakiusap sa mga magulang, hinay-hinay muna sa pagpapalabas ng mga bata. Kapag sinabing bawal, plis lang, ‘wag na tayong magpumilit.
Tandaan, tayo ang responsable sa bawat kilos ng ating mga anak kaya dapat lang na bantay-sarado ang mga ito.
‘Wag nating kalimutan na may virus pa rin sa paligid at isang pagkakamali lang, puwede kayong mahawahan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments