top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Filipinas wagi sa HK, swak sa Round 2 ng Asian Q'fiers

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 13, 2023
2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 13, 2023




Pasok na ang Philippine Women’s Football National Team sa Round 2 ng Paris 2024 Olympics Asian Qualifiers matapos durugin ang Hong Kong, 4-0, sa Hisor Central Stadium sa Tajikistan, Martes ng gabi. Winalis ng Filipinas ang tatlong laro sa Grupo E at walang ipinamigay na goal bilang patunay ng kanilang kalidad.


Binuksan ng maaga ni PSA Miss Football Sarina Bolden ang atake ng Filipinas kung saan itinakbo niya ang bola at inisahan si Hong Kong goalkeeper Ng Cheuk Wai para maging 1-0 sa ika-5 minuto pa lang. Hindi pa tapos si Bolden na pinasahan ni Sara Eggesvik at pinalipad ang bola sa kanto ng goal para maging 2-0 ang talaan sa ika-41 minuto at kanyang pangatlong goal sa torneo.


Tinawagan ng foul ang Hong Kong matapos hatakin ang damit ng tumatakbong si Quinley Quezada at walang kabang ipinasok ni Meryll Serrano ang iginawad na free kick upang lalong lumayo sa ika-44 minuto, 3-0. Patuloy pa rin ang enerhiya ng Filipinas sa second half at tinuldukan ni Quezada ang resulta sa kanyang goal sa ika-53 minuto.


Ibang bangis ang ipinamalas ng Filipinas sa nakalipas na linggo simula sa 4-0 panalo sa Pakistan noong Abril 5. Sinundan ito ng 8-0 pagpapahiya sa host Tajikistan noong Sabado.


Gaganapin ang Round 2 sa Oktubre kung saan naghihintay ang mga bigating Australia, Japan, Tsina, Timog Korea at Hilagang Korea. Maliban sa Pilipinas, lumusot din sa Round 1 ang iba pang mga nag-kampeon sa kanilang grupo na Uzbekistan, Iran, Vietnam, Thailand, Chinese-Taipei at India.


Samantala, gagabayan din ni Coach Alen Stajcic ang Filipinas sa 2024 AFC Under-17 Women’s Asian Cup Qualifiers Round 1 ngayong buwan. Mabigat na paborito ang mga Pinay na haharapin ang hamon ng host Guam sa Abril 22 at Lebanon sa Abril 26 para sa nag-iisang tiket sa Grupo G.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page