top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Filipinas, tatapatan ang Norway para sa last 16

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 27, 2023
2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 27, 2023



Laro sa Linggo – Eden Park, Auckland

3:00 p.m. Pilipinas vs. Norway


Makalipas ang isang araw matapos yanigin ang 2023 FIFA Women’s World Cup, balik-trabaho agad ang Philippine Women’s Football National Team para sa kanilang malaking tapatan kontra Norway sa Linggo simula 3 p.m. sa Eden Park ng Auckland. Alam ni Coach Alen Stajcic at ng Filipinas na hindi pa tapos ang laban at may pag-asa silang mapabilang sa Last 16.


Nakaukit na sa kasaysayan ng Football sa bansa ang nagpapanalong goal ni Sarina Bolden sa ika-24. Mula sa talbog sa ulo ni Bolden ay tumama ang bola ng malakas sa mukha ni goalkeeper Victoria Esson at dumulas ito sa kanyang daliri para maging 1-0 at hindi na nagbago ito.


Hinirang na Player of the Match si Olivia McDaniel na naghatid ng mga hindi malilimutan na pagharang at pagtapik sa mga bola ng Ferns. Bumawi si McDaniel mula sa ipinamigay na 12 goal sa pitong laro para sa Filipinas ngayong taon kung saan dalawa lang ang panalo at lima ang talo.


Ito na rin ang pangalawang beses sa 2023 na nagtapos siya na may "clean sheet” o walang pinapasok na bola. Ang huli niya ay laban sa Hong Kong, 4-0, sa Paris 2024 Olympic Qualifier noong Abril.


Samantala, nagdaos ng viewing party ang Embahada ng New Zealand sa isang mall sa Quezon City para sa laro ng Filipinas at Ferns na dinaluhan ng tinatayang mahigit 500 bisita. “Sa totoo lang, ngayong araw, naramdaman ko ang kapangyarihan ng Team Filipinas at ng kanilang mga tagahanga at tagasuporta,” wika ni Ambassador Peter Kell gamit ang pambansang wika.


Umani rin ng papuri ang Filipinas kay Philippine Olympic Committee (POC) President Rep. Abraham “Bambol” Tolentino na itinuring na regalo mula sa Panginoon ang tagumpay sa Ferns. Umaasa rin siya na makakalaro ang koponan sa Paris 2024 Olympics sa pagpapatuloy ng qualifiers ngayong Oktubre kung saan haharapin ng mga Pinay ang host Australia, Chinese-Taipei at Iran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page