Filipinas namayani vs. Laos sa Asian Cup Q'fiers
ni Anthony E. Servinio @Sports | March 12, 2023

Laro ngayong Linggo – Laos National Stadium, Vientiane
5:00 p.m. Pilipinas vs. Hong Kong
Nakahanap ang kulang na Philippine Women’s Football National Team ng bayani sa katauhan ni defender Kylie Anne Yap para sa 1-0 panalo kontra host Laos sa pagpapatuloy ng 2024 Asian Football Confederation (AFC) Under-20 Women’s Asian Cup Qualifiers Biyernes ng gabi sa Laos National Stadium sa Vientiane. Sunod na haharapin ng Filipinas ang Hong Kong ngayong Linggo simula 5:00 ng hapon sa layunin na tapusin ng positibo ang torneo.
Mula sa free kick, nakahanap ng puwang si midfielder Sabine Alexi Ramos at inihatid ang bola sa tumatakbong si Yap para sa nag-iisang goal ng laro sa ika-42 minuto. Sapat na iyan para makuha ng Filipinas ang unang panalo matapos yumuko sa Tsina noong Miyerkules, 6-0.
Bago noon, napilitang maglaro na 10 na lang ang mga Pinay matapos palabasin sa laro si goalkeeper Kaiya Jota sa ika-10 minuto. Lumayo siya sa goal upang matagumpay na harangin ang sipa ng umaatakeng Laos pero napatawan ng red card ng reperi para sa hand ball violation.
Nanindigan si Jota na sa kanyang dibdib at hindi sa kamay tumama ang bola subalit hindi binago ang tawag. Ipinasok ang reserbang goalkeeper Alexis Louise Tan para kay forward Elaine Pimentel at agad siyang nasubukan sa iginawad na free kick sa Laos na lumipad lampas sa baras.
Sa unang laro, gumulong ang Tsina sa kanilang ikalawang sunod na panalo sa Hong Kong, 6-0, at itanim ang isang paa sa Round 2 ng qualifier sa Hunyo. Tanging ang numero uno lang sa apat na kalahok ang tutuloy sa Round 2 para matukoy ang huling apat na bubuo ng torneo sa Uzbekistan sa susunod na taon.
Samantala, may alay na dalawang magkasabay na laro ngayong araw sa 2023 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways simula 4:00 ng hapon.
Dadalaw ang numero uno Kaya FC Iloilo sa Stallion Laguna FC sa Binan Football Stadium habang magsusubukan ang Mendiola FC 1991 at bisita Maharlika FC Manila sa Imus Grandstand.





Comments