Filipinas nakipagsabayan, pero kinapos kontra Swiss
ni Anthony E. Servinio @Sports | July 22, 2023

Laro sa Martes - Wellington Regional Stadium
1:30 PM Pilipinas vs. New Zealand
Magiting na hinarap ng Philippine Women's Football National Team ang Switzerland subalit kinapos sa huli, 2-0, sa makasaysayang unang laro ng bansa sa 2023 FIFA Women's World Cup Biyernes mula sa Dunedin Stadium. Ipinakita ng #49 Filipinas sa kaya nila sumabay sa kalaro na #20 o 29 antas ang lamang sa kanila sa FIFA World Ranking.
Maaga pa lang ay nanakot ang mga Pinay at naka-goal si Katrina Guillou sa ika-siyam na minuto. Biglang naglaho ang kasiyahan ng koponan at binawi ng reperi ang goal dahil nakitang offside ang Filipinas.
Dumating ang disgrasya bago magwakas ang first half at pinatawan ng penalty si defenderJessika Cowart matapos magkabuhol ang paa niya sa paa ni midfielder Coumba Sow at tumumba ito. Binalikan ng reperi ang video at hindi nagbago ang tawag kaya walang kabang ipinasok ni beteranang forward Ramona Bachmann ang penalty laban kay goalkeeper Olivia McDaniel na napatingin lang sa lakas ng sipa.
Taglay ang 1-0 lamang, mas agresibo ang mga Swiso sa second half. Itinala ni forward Seraina Piubel ang pangalawang goal sa ika-64 minuto matapos gumulong sa kanya ang bola galing sa tapik ni McDaniel.
Opisyal na nagbukas ang torneo noong Huwebes kung saan nagtala ng paunang tagumpay ang mga co-host. Ginulat ng New Zealand ang Norway sa Group A, 1-0, habang dinaig ng Australia ang Ireland sa parehong iskor ang Ireland sa Grupo B.
Bunga ng mga resulta, tiyak na magiging matindi ang bakbaka ng Filipinas at New Zealand ngayong Martes sa Wellington Regional Stadium simula 1:30 ng hapon.
Kailangan ng mga Pinay ang panalo upang manatling buhay ang pag-asang tumuloy sa Last 16.





Comments