Filipinas, kailangan ng panalo kontra Indons sa AFC Asian Cup
ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 27, 2022

Quarterfinals ang susubukang sungkitin ngayon ng Philippine Women’s Football National Team sa pagharap nila sa Indonesia sa huling araw ng group stage ng 2022 AFC Women’s Asian Cup India. Magsisimula ang mahalagang laban sa 10:00 ng gabi (oras sa Pilipinas) sa Shree Shiv Chhatrapati Sports Complex sa lungsod ng Pune at kailangan ng mga Pinay ng panalo upang makapasok agad at iwasan ang komplikasyon.
Kung mananalo ay tiyak na magtatapos ang Pilipinas na pangalawa sa Grupo B at matatapat sa mas magaan na kalaro sa quarterfinal. Nakasalalay din ang kapalaran sa magiging resulta sa tapatan ng Australia at Thailand na sabay gaganapin sa Mumbai Football Arena.
Kahit nabigo sa Australia, 4-0, tumanggap ng papuri ang koponan mula kay Coach Alen Stajcic. Hinintay pa ang ika-51 minuto bago makaunang goal ang Australia salamat kay kapitana Sam Kerr at pinatunayan ng mga Pinay na kaya nilang sabayan ang #11 bansa sa FIFA World Ranking. “I couldn’t be prouder of the way they fought and battled,” wika ni Coach Stajcic na hinawakan din ang Australia mula 2015 hanggang 2019. “The effort was outstanding against a really, truly world-class team.”
Galing ang Indonesia sa parehong 4-0 na talo sa Thailand. May pag-asa silang makapasok sa q'finals kung mananalo at sasabayan ng panalo ng Australia sa Thailand.
Hihintayin kung sino ang palalaruin ni Coach Stajcic matapos magbuno ang koponan sa mga pilay at sakit sa nakalipas na linggo. Magkaibang kombinasyon ang ginamit niya sa dalawang laro laban sa Thailand at Australia.
Kailangang magtapos na pangalawa ang Pilipinas at napipintong makakaharap nila sa quarterfinals ang magwawagi sa pagitan ng Chinese-Taipei at Iran sa huling laro sa Grupo A na tinatapos kagabi. Kung papasok bilang pangatlo sa grupo ay matatapat sila sa mga bigatin na defending champion Japan, Timog Korea o Tsina. Laro ngayong Huwebes – Shree Shiv Chhatrapati Sports Complex, Pune 10:00 PM Pilipinas vs. Indonesia.





Comments