Filipinas Booters, buo ang samahan sa next Int'l Games
- BULGAR
- Aug 5, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | August 5, 2023

Nagkakaisa ang Philippine Women’s Football National Team na panahon na upang kunin ang susunod na hakbang sa gitna ng biglang pagkawala ng kanilang coach Alen Stajcic matapos ang makasaysayang kampanya sa 2023 FIFA Women’s World Cup. Ayon sa Filipinas, buo pa rin ang kanilang samahan at handa silang katawanin muli ang bansa sa mga parating na kompetisyon na Hangzhou Asian Games at Paris 2024 Olympic Qualifiers.
Hinarap ng pambansang koponan ang kanilang mga tagahanga sa isang mall sa Makati City noong Huwebes ng hapon bilang engrandeng salubong matapos lumapag mula New Zealand noong Miyerkules ng gabi. Nagkuhanan ng selfie at pirmahan ng autograph sina Olivia McDaniel, Chandler McDaniel, Quinley Quezada, Katrina Guillou, Sofia Harrison, Jessika Cowart, Sara Eggesvik, Meryll Serrano, Reina Bonta, Alicia Barker, Ryley Bugay at Isabella Pasion.
Isang araw matapos ihayag ang kanyang paglisan, pumirma agad si Coach Stajcic sa Perth Glory ng A-League Men. Sisikapin niya ngayon na buhayin ang koponan na nagtapos ng ika-siyam sa 12 koponan noong 2022-2023 na may pitong panalo, walong tabla at 11 talo.
Wala pang linaw kung kailan magsisimula ang ensayo para sa mga parating na malaking palaro at una muna sa lahat ang pagtalaga ng bagong coach. Habang naghihintay, magbabalik ang Filipinas sa kanilang mga pro club o paaralan tulad ng magkapatid na McDaniel na maglalaro para sa Stallion Laguna sa PFF Women’s League.
Ayon kay Chandler, mahalaga na makalaro siya bilang bahagi ng kanyang patuloy na pagbalik galing sa matinding pilay sa tuhod at makatulong sa bagong koponan na kasalukuyang nasa pinakailalim ng liga. Pabiro din niyang sinabi na hindi muna maglalaro ng goalkeeper si Olivia at lilipat ng puwesto.





Comments