top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Filipinas at Azkals, magiging pinakaabala ngayong 2023

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 26, 2023
1 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | January 26, 2023




Tiyak na ang Philippine Football Federation (PFF) ang magiging isa sa pinaka-abalang national sports association (NSA) ngayong 2023. Pangunahin dito ang makasaysayang paglahok ng Philippine National Women’s Football Team sa 2023 FIFA Women’s World Cup sa Hulyo.


Bago ang World Cup ay nakatakdang sumabak ang Filipinas sa malupit na Pinatar Cup sa Espanya sa Pebrero, Paris 2024 Olympics Qualifier sa Abril, 32nd Southeast Asian Games Cambodia sa Mayo at mga FIFA Friendly sa Marso at Hulyo. Pagkatapos ng World Cup ay nariyan ang 2022 Hangzhou Asian Games at 2023 AFF Women’s Championship.


Kasabay nito ay kinumpirma ni PFF General Secretary Atty. Edwin Gastanes na si Filipinas head coach Alen Stajcic ang gagabay din sa Under-17 sa kanilang paglahok sa 2024 AFC U-17 Women’s Asian Cup qualifier sa Abril sa Guam. Ang kanyang assistant na si Nahuel Arrarte ang hahawak sa Under-20 na may qualifier sa 2024 U-20 Women’s Asian Cup sa Marso sa Laos.


Panauhin si Atty. Gastanes sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Rizal Memorial Sports Complex noong Martes. Hindi magpapahuli ang mga Azkals at mayroon din silang mga lalahukan pangunahin ang pinag-isang qualifier para sa 2026 FIFA World Cup at 2027 AFC Asian Cup simula sa Oktubre.


Ang Under-22 Azkals ay sasabak sa SEA Games at halos ang buong koponan ay babalik para sa qualifier ng 2024 AFC Under-23 Asian Cup Qatar sa Setyembre. Ang Asian Cup ay magsisilbing qualifier para sa Paris 2024 Olympics.


Bilang paghahanda, may inaayos na dalawang FIFA Friendly ang PFF sa Marso na gaganapin sa Rizal Memorial. Ipapakilala ang mga magiging kalaro oras na nagkasundo ang dalawang panig.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page