Fil-Nig Alaba, sasabak sa FIFA World Cup, Qatar

ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 9, 2021

Sisimulan ng Bayern Munich ng Alemanya ang kanilang lakbay patungo sa pangalawang tropeo sa 2020 FIFA World Cup Qatar ngayong Martes ng madaling araw, oras sa Pilipinas, sa Ahmad Bin Ali Stadium. Tampok sa Bayern ang may lahing Pinoy na si David Alaba na bahagi din ng koponan na nagwagi noong 2013 edisyon ng torneo sa Morocco.
Haharapin ni Alaba at kanyang mga kakampi ang Al Ahly ng Ehipto, ang kampeon ng Aprika., sa semifinals simula 2:00 ng umaga. Nakapasok ang Al Ahly sa bisa ng kanilang 1-0 panalo sa Al Duhail ng Qatar sa quarterfinals noong Biyernes.
Sa kabilang semifinal, magtatapat ang Palmeiras ng Brazil at Tigres UANL ng Mexico. Nanalo ang mga Tigre noong Huwebes kontra sa kampeon ng 2020 AFC Champions League Ulsan Hyundai ng Timog Korea, 2-1, salamat sa dalawang goal ni Andre Pierre Gignac.
Ang mga magwawagi ay tutuloy sa finals sa Pebrero 12 sa Education City Stadium. Bago noon, magkakaroon ng laban para sa ikatlong pwesto sa pagitan ng dalawang matatalo sa semifinals.
Matatandaan na malaki ang papel na ginampanan ni Alaba sa kampeonato ng Bayern noong 2013. Sa finals, eksakto ang pasa niya sa kakamping si Thiago para sa kanilang pangalawang goal sa ika-22 minuto at hindi na bumitaw laban sa Raja Casablanca ng Morocco, 2-0.
Tiyak na magpapakita ng husto si Alaba bago tuluyang magpaalam sa kanyang koponan na pinaglaruan sa nakaraang 13 taon. Nakatakda siyang lumipat sa Real Madrid ng Espana oras na mapaso ang kanyang kasalukuyang kontrata.
Si David ay anak ng isang Pinay nars at isang amang Nigerian. Naglalaro siya para sa pambansang koponan ng Austria kung saan siya ipinananganak noong 1992.





Comments