Fil-Am Green, naka-30 pts. pero tinalo ng Celtics
ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 26, 2021

Naitala ng Boston Celtics ang unang panalo, 107-97, kontra kay Fil-Am rookie Jalen Green at ang kanyang Houston Rockets sa NBA kahapon mula sa Toyota Center.
Nakipagsabayan si Green kay Celtics All-Star Jayson Tatum sa puntusan at kahit bigo, nailabas ng binatilyo ang husay matapos ang dalawang malabnaw na laro kung saan tig-siyam na puntos lang ang kanyang nagawa.
Pumukol ng walong tres si Green para magtapos na may 30 puntos kontra kay Tatum na may 31 puntos at 9 na rebound. Sa first half ay gumawa agad si Green ng 18 puntos at lamang lang ng dalawa ang Boston, 53-51, subalit bumanat ang Celtics sa 3rd quarter at hindi na nakaporma ang Rockets.
Sinuportahan si Tatum nina Dennis Schroder at Grant Williams na parehong may 18 puntos upang wakasan ang dalawang magkasunod na talo. Sinundan si Green nina Christian Wood na may 20 puntos at Kevin Porter Jr. na may 15 puntos at bumaba ang Houston sa 1-2.
Samantala, napigil ng Los Angeles Lakers ang hamon ng bisitang Memphis Grizzlies upang makamit ang unang tagumpay ng torneo, 120-118, salamat sa anim na mahalagang free throw sa huling 7 segundo nina Malik Monk, Anthony Davis at Carmelo Anthony. Nagtapos si Anthony na may 28 puntos at sinundan nina Davis na may 22 at LeBron James na may 19 puntos upang masayang ang 40 na ibinuhos ni Ja Morant para sa Grizzlies.
Isa pang Anthony ang bumida at sumandal ang bisitang Orlando Magic sa 29 puntos at 16 rebound ni Cole Anthony upang makaganti sa New York Knicks, 110-104. Natalo ang Magic sa bisitang Knicks noong Sabado, 121-96.





Comments