Fil-Am Coach Spoelstra masusubok sa NBA Finals
- BULGAR
- Jun 2, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | June 2, 2023

Malaking karangalan na nababanggit ang pangalan kasabay ng mga alamat. Sasalang si kabayan Coach Erik Spoelstra sa kanyang ika-anim na NBA Finals ngayong araw sa pagbisita ng kanyang Miami Heat sa Denver Nuggets sa Ball Arena simula 8:30 ng umaga.
Kapantay na niya sina Steve Kerr, Gregg Popovich at John Kundla. Tanging sina Phil Jackson (13), Red Auerbach (11) at ang boss ni Coach Spoelstra na si Heat President Pat Riley (9) ang mas marami.
Sa panig ng Nuggets, matimbang kay Coach Michael Malone na ang kanyang ama ay isa ring dating NBA coach na si Brendan Malone. Pati ang kanyang mga assistant na sina David Adelman at Ryan Saunders ay mga anak ng mga tanyag na NBA coach Rick Adelman at ang namayapang Flip Saunders.
Mabigat na paborito ang Denver na nagtapos na may pinakamataas na kartada sa Western Conference na 53-29. Ang Miami ay nagtala ng 44-38 panalo-talo at kinailangan pa dumaan sa Play-In.
Ang mga pangunahing bituin na sina Jimmy Butler ng Heat at Nikola Jokic ng Nuggets ay masasabing hindi masyadong pinansin sa simula ng kanilang mga karera. Dahil sa tiyaga at sipag ay natamasa nila ang kanilang kasalukuyang estado.
Maliban kay Butler, aasa ng malaki ang Heat sa husay nina Bam Adebayo, Caleb Martin, Gabe Vincent at Max Strus. Umaasa din na hihilom ang pilay sa kamay ni Tyler Herro at makakalaro siya sa serye.
Ibang klase pa rin si Jokic na gumagawa ng 29.9 puntos, 13.3 rebound at 10.3 assist ngayong playoffs subalit kailangan pa rin niya ng tulong. Diyan papasok sina Jamal Murray, Michael Porter Jr, Aaron Gordon, Bruce Brown at Kentavious Caldwell-Pope.




Comments