Fil-am Clarkson ng Jazz, bida sa NBA Pinoy Heritage Night
- BULGAR
- Oct 30, 2021
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 30, 2021

Ipinagdiwang ng Houston Rockets ang Filipino Heritage Night subalit ang bisitang Utah Jazz ang umuwi dala ang 122-91 na panalo kahapon sa tampok na laro mula sa Toyota Center.
Gumawa ng kasaysayan sina Sixth Man Jordan Clarkson ng Jazz at rookie Jalen Green ng Rockets na may dalawang Pinoy sa sumabay sa NBA court.
Kasama si Green sa first five subalit ipinahinga siya kasabay ng unang pagpasok ni Clarkson na may 4:28 pa sa 1st quarter kaya naghintay pa sa simula second quarter bago mangyari ang inaasahang tapatan. Agad pumukol ng dalawang tres si Clarkson laban sa tatlong free throw ni Green sa loob ng 8 minuto bago umupo si Green at umarangkada ang Jazz sa 61-40 na lamang at hindi nagpreno hanggang umabot ito ng 36 sa third quarter, 90-56.
Nanguna sa opensa ng Jazz sina Bojan Bogdanovic na may 19 puntos para sa perpektong 4-0 kartada at maging nag-iisang koponan na perpekto sa liga. Sinundan siya nina Clarkson na may 16 puntos at Rudy Gobert na may 16 puntos din na may kasamang 14 rebound.
Gumawa ng 11 puntos si Green sa first half subalit nalimitahan siya sa 2 puntos lang sa second half para sa 13 puntos. Nagsumite ng 16 puntos si Christian Wood at sinuportahan ni rookie Alperen Sengun na may 14 puntos. Susunod na maghaharap sina Clarkson at Green sa Enero 20 (petsa sa Pilipinas) ng susunod na taon sa pagdalaw ng Rockets sa Vivint Arena.
May dalawa pa silang tapatan sa Pebrero 15 sa Utah muli at Marso 3 sa Toyota Center.





Comments