top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Fil-Am Clarkson, Curry at Van-Vleet, pambato ng team

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 10, 2021
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 10, 2021





Bumida si kababayang Jordan Clarkson sa 131-118 tagumpay ng kanyang Utah Jazz kontra sa Milwaukee Bucks sa pagpapatuloy ng NBA game kahapon sa Fiserv Forum. Pumasok si Clarkson sa gitna ng first quarter at agad pumukol ng tatlong tres upang maging hudyat ng paglayo ng Jazz matapos ang first quarter, 34-31.


Hindi pa tapos si Clarkson at ibinaon niya ang isa pang tres sa simula ng 4th quarter at lalong umarangkada ang Jazz patungo sa ika-5 tagumpay sa siyam na laro. Nagtapos si Clarkson na may limang tres para sa 26 puntos para hindi masayang ang 32 puntos nang minsang dumalaw sa Pilipinas si Donovan Mitchell.


Gumamit ng matibay na depensa ang defending champion Los Angeles Lakers sa huling 37 segundo upang pigilan ang humahabol na Chicago Bulls, 117-115, at kunin ang solong liderato ng Western Conference sa kartadang 7-3. Bumida muli si LeBron James sa 28 puntos subalit mahalaga ang kontribusyon na tig-17 puntos nina Dennis Schroder at Montrezl Harrell upang takpan ang hindi paglaro ni Anthony Davis bunga ng masakit na binti.


Humabol ang Golden State Warriors upang mabigo ang Los Angeles Clippers na samahan ang Lakers sa liderato, 115-105, salamat sa mga kritikal na tira nina Eric Paschall at Kent Bazemore sa fourth quarter. Uminit muli si Stephen Curry para sa siyam na tres bilang bahagi ng 38 puntos habang may 16 puntos si Andrew Wiggins.


Nagtagumpay ang Toronto Raptors sa Sacramento Kings, 144-123, para sa ikalawang panalo at iwasan ang ilalim ng Eastern Conference sa kartadang 2-6. Nanguna sa Raptors si Fred VanVleet na may 34 puntos at tinulungan siya nina Chris Boucher na may 23 at Norman Powell na may 22 puntos.


Sinigurado ng Detroit Pistons na hindi sila mapapahiya sa harap ng mga tagahanga at pinalubog ang bisitang Phoenix Suns sa overtime, 110-105. Ipinasok ng Pistons ang unang siyam na puntos sa overtime, para sa ikalawang panalo sa torneo salamat sa mga double-double nina Jerami Grant na 31 puntos at Blake Griffin na 16 puntos habang 16 puntos din ang ambag ni Delon Wright.


Dinomina ng Boston Celtics ang Washington Wizards, 116-107, sa likod ng tambalang Jayson Tatum at Jaylen Brown. Nagsabog ng 32 puntos si Tatum habang may 27 puntos si Brown at umabot hanggang 28 ang lamang sa 3rd quarter, 77-49.


Nanaig ang Charlotte Hornets sa New Orleans Pelicans, 118-110. Gumana ang opensa ng Oklahoma City Thunder sa second half upang talunin ang New York Knicks, 101-89. Tinambakan ng Houston Rockets ang malamyang Orlando Magic, 132-90. Kinuha ng Memphis Grizzlies ang pagkakataon laban sa kulang na Brooklyn Nets, 115-110.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page