FiberXers, itinarak ang 4th win, NU, hindi matibag sa UAAP Badminton
ni Gerard Arce - @Sports | October 31, 2022

Kinadena ng Converge FiberXers ang four-game winning streak matapos nilang kalusin ang Blackwater, 77-71 sa 2022-23 PBA Commissioner’s Cup na nilaro sa Ynares Center, Antipolo.
Tumikada si Quincy Miller ng 22 markers at 19 rebounds para ilista ang 5-2 record at mapalakas ang tsansa na sumampa top 4 sa team standings.
Nag-ambag si Alec Stockton ng 15 points at walong boards habang 12 puntos at 10 rebounds ang kinana ni Abu Tratter para sa Converge. Bakbakan agad sa first canto kung saan isang puntos lang ang lamang ng Blackwater, 19-18 papasok ng second quarter.
Naagaw ng Converge ang bentahe sa pangalawang frame, hinawakan nila ang two-point lead, 34-32 sa halftime.
Nagpatuloy ang dikdikang labanan ng Bossing at FiberXers sa third kaya naman dikit ang iskor sa 59-all papasok ng payoff period. Nalasap ng Blackwater ang pang-limang talo sa walong laro. Green Lantern
Samantala, hindi matinag ang defending champion na National University sa pananalasa sa UAAP Men's Badminton Tournament ng bokyain ang University of Santo Tomas, 5-0, para sa kanilang ikalawang sunod na panalo. Linggo ng umaga sa Centro Atletico Badminton Center sa Quezon City.
Hangad ang ikapitong sunod na kampeonato, bumida ang rookie shuttler Lanz Zafra ng impresibong panalo sa singles match sa 21-13, 21-9, kontra kay Golden Shuttlers' Lanz Ramirez sa loob ng 29 minutong aksyon.
Pareho rin ang nakuhang resulta ng kapwa rookie na si Mark Anthony Velasco sa 2-0 mula sa 21-15, 21-10 kay Lennox Cuilao, habang sinundan rin ng panalo nina national team standouts Solomon Padiz Jr. at Julius Villabrille laban kina Jacob Galve at JJ Panisales, 21-12, 21-14, sa doubles match.
Tinalo naman ng University of the Philippines ang Adamson University, 4-1,para sa kanilang ring ikalawang panalo na pinangunahan nina Jelo Albo at Jason Vanzuela upang manatiling malinis sa doubles laban kina Harold Bonilla at CL Garcia sa bisa ng 21-14, 21-9.





Comments