FIBA 3X3 World Tour Finals: 12 teams sasabak sa Saudi

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 17, 2020

Isang dosenang bigating koponan ang maghaharap ngayong Biyernes at Sabado sa 2020 FIBA 3X3 World Tour Grand Finals sa Jeddah, Saudi Arabia. Nakatutok ang pansin sa defending champion Novi Sad ng Serbia na patutunayan na kaya nilang panatilihin ang tropeo sa kanilang mga kamay kahit wala ang numero unong manlalaro sa buong daigdig na si Dusan Bulut.
Inilipat ang responsibilidad na ipagtanggol ang korona kay Nebojsa Boskovic, Tamas Ivosev, Marko Savic at Dejan “The Maestro” Majstorovic. Malaking hamon ang haharapin ng Novi Sad galing sa kanilang mga kababayang Liman at Riga ng Latvia na nanalo ng tig-dalawang kampeonato sa apat na yugto na bumuo sa pinaigsing World Tour ngayong taon.
Buo pa rin ang Liman sa pangunguna ni Pilipinas 3X3 coach Stefan “Mr. Robot” Stojacic at mga kakamping sina Stefan Kojic, Aleksandar Ratkov at Mihailo Vasic. Hindi magpapahuli ang Latvia sa likod nina Karlis “Batman” Lasmanis, Nauris Miezis, Edgars Krumns at Agnis Cavars.
Tampok ang Liman sa Grupo A kasama ang mga kababayang Ub at Ulaanbaatar MMC Energy ng Mongolia habang ang Novi Sad ay nasa Grupo B kasama ang Amsterdam ng Netherlands at Lausanne Katapult ng Switzerland. Nabunot ang Riga sa Grupo C kontra Piran ng Slovenia at host Jeddah at binubuo ang Grupo D ng NY Harlem ng U.S. at Sakiai Gulbele at Utena Uniclub na parehong kinatawan ng Lithuania.
Paglalabanan nila ng premyong $60,000 (P2.884 milyon) na naghihintay para sa kampeon. Mapapanood ng live ang lahat ng laban sa YouTube at Facebook ng FIBA 3X3 simula 10:00 ng gabi hanggang madaling araw, oras sa Pilipinas.
Hindi pinalad na makasama ang pambato ng Pilipinas na Manila Chooks TM sa 12 may pinakamaraming puntos upang makalaro sa Jeddah. Isang yugto lang ang nilahukan ng mga Pinoy sa Doha, Qatar noong nakaraang buwan kung saan nagtapos sina Joshua Munzon, Alvin Pasaol, Troy Rike at Leonard Santillan sa ika-11 na puwesto.
Noong 2019,tinalo ng Novi Sad sa likod ng 7 puntos ni Bulut ang Princeton ng U.S. para sa korona, 21-17, sa Utsonomiya, Japan. Ito na rin ang nagsilbing makasaysayang okasyon kung saan inihayag ng FIBA ang paglahok ng Pilipinas sa qualifying tournament na nakatakda para sa Mayo, 2021 sa Graz, Austria para sa karapatan maglaro sa makasaysayang unang torneo ng 3X3 sa 2020 Tokyo Olympics.





Comments